Friday , November 15 2024
Bulabugin ni Jerry Yap
Bulabugin ni Jerry Yap

Kulturang turo-turo, solusyon ng kongreso sa juvenile delinquency

NANG piliin ng mga ‘mambabatas’ sa ating kasalukuyang lipunan na ikahon sa pamamagitan ng batas ang pagdisiplina sa mga bata at mga kabataan, nangahulugan ito na kinalimutan nilang ang sektor na tinagurian ni Gat Jose Rizal na pag-asa ng bayan ay nasa ilalim ng responsibilidad ng mga magulang.

Nakalimutan ng mga ‘paham’ na mambabatas na ang batayang yunit ng lipunan ay pamilya.

Kung hindi ito nalimutan ng ating mga mambabatas, at laging nakakintal sa isipan nila na ang pamilya ay batayang yunit ng lipunan, hindi nila malilimot na kailangang igalang ang likas na awtonomiya at dinamismo ng mga indibidwal na miyembro nito.

Isa sa mga kinikilala at iginagalang na likas na awtonomiya at dinamismo sa loob ng pamilya ang pagpapalaki ng mga magulang sa kanilang mga anak — mula sa pagsilang hanggang makatapos sa kolehiyo.

At dahil ang pamilya ay batayang yunit ng lipunan, nararapat na ito ay ayudahan ng mga institusyon/ahensiya o ng umiiral na gobyerno o sistema ng gobyerno kung paano palalakihin ang kanilang mga anak bilang mabubuti at produktibong mamamayan ng komunidad sa partikular, at ng bansa sa kabuuan.

Ibig sabihin, tungkulin ng isang gobyerno o pamahalaan (lokal, rehiyonal, nasyonal o federal) na magtatag ng isang komunidad na kaaya-aya at nakagiya sa layuning makapag-udyok o makapagbigay ng inspirasyon sa tunguhing lumikha o makapagpalaki ng mga bata o kabataan bilang mabubuti at produktibong mamamayan.

Pero sa realidad ng lipunan na kasalukuyang umiiral, ang mga batayang pangangailangan ng isang mamamayan para maging mabuti at produktibong mamamayan ay katumbas nang malaking halaga ng salapi.

Sa kalagayan ng maraming Filipino na hikahos at hindi nga mairaos ang tatlong beses na pagkain sa maghapon, nagiging pabigat sa mahihirap na pamilya ang pagpapaaral, at pagmamantina ng maayos na kalusugan. Ang pangangailangang ito ay tila nagiging ‘luho’ sa mas maraming mahihirap na mamamayan.

At kung hindi kayang pag-aralin ang kanilang mga anak kahit sa mga paaralang pampubliko, bumabagsak sila sa maagang pagtatrabaho, pagla­lamyerda sa lansangan, hanggang matisod ng mga notoryus na pusakal para gawin silang utusan.

At dahil nagiging salot na sila sa lipunan sa napakaagang edad, saka nakapag-iisip ang mga ‘paham’ na mambabatas na takutin sila sa pamamagitan ng ‘rehas na bakal’ na nakabaluti sa legal na pamamaraan sa pamamagitan ng Republic Act 9344 (Juvenile Justice and Welfare Act of 2006).

Maraming pumuna sa batas na ito na ang pangunahing awtor ay si Senador Fracis “Kiko” Pangilinan. Nagkaroon daw kasi ng ‘lisensiya’ ang mga delikuwenteng kabataan para lalong magpakalulong sa mga pusakal na gawain.

Imbes gumawa ng batas kung paano titiyakin na makapagtatapos sa pag-aaral ang mga bata at kabataan hanggang kolehiyo, at maging malusog upang maging produktibong mamamayan paglaon, batas ng panunupil ang itinatapat ng mga mambabatas.

Imbes palawakin ang programa ng pamaha­laan na magtitiyak na lahat ng kabataan ay makapag-aaral habang ang mga nagkakamali ng landas ay maipapasok sa rehabilitasyon o therapeutic center, minabuti ng mga ‘paham’ na mambabatas na ipasok sila sa kulungan.

At para huwag daw magamit ng mga sindikato ng mga pusakal,  gumawa na naman ng batas na nagbibigay ng lisensiya sa mga awtoridad na isadlak sa kulungan ang mga batang edad 9-anyos.

Genius sa kapulpulan ang mga hangal na ‘paham.’

Dahil hindi maamin na silang mga eksperto sa katiwalian ang isa sa mga dahilan ng pagkabulok ng lipunan — na dahil sa kasuwapangan nila sa pera ng bayan at kapangyarihan ay maraming Filipino ang nasadlak sa kahirapan, minabuti nilang itago sa rehas na bakal ang mga ‘inanak’ o resulta ng kanilang  mga kagahamanan.

Siguro, kahit paano, nasundot din ang konsensiya ng mga mambabatas, kaya gusto nilang pagtakpan sa pamamagitan ng isa na namang palpak na batas.

‘Yun bang tipong ‘turo-turo’ ang ginawang solusyon. Imbes ugatin na sila ay kabilang sa mga salot sa lipunan kaya maraming kabataan ang naging delingkuwente, ang itinurong salot sa lipunan ay mga kabataang pinabayaan at pinagdamutan ng oportunidad kaya napunta sa balikong landas.

Kumbaga sa pag-iiti (diarrhea), imbes ba­wasan ang sobra-sobrang paglamon, nagpa­re­seta na lang ng loperamide para matigil ang pag-iiti.

Pero ang dahilan ng pag-iiti na sobrang paglamon, na kahit hindi na para sa kanila ay nginangasab pa rin,  takot na takot salingin.

Mga suki, mainit na pinag-uusapan ang isyung ito ngayon, lalo’t lumalarga na ito sa ‘kamay’ ng mga mambabatas para maaprobahan — dapat bang batas na nagpaparusa sa mga batang edad 9-anyos na nagkakamali ang ipasa ng kongreso o batas na magtitiyak ng pagka­kamit ng edukasyon at malusog na panganga­tawan ng mga kabataan o bitay sa mga magna­na­kaw na mambabatas at politiko?!

REKLAMO SA BRGY-181 Z-16
TONDO MANILA, NGANGA?!
(ATTN: BRGY BUREAU,
DILG AT OMBUDSMAN)

NAKATANGGAP tayo ng ilang reklamo kaugnay sa ginagawa ng pamunuan ng isang tila walang silbing barangay sa Maynila na mukhang patulog-tulog ‘ata.

Ang isyu ay binabalewala raw ng Brgy. 181 Zone 16 na pinamumunuan ni Chairman Pacifiko Geronimo ang mga problema at sumbong na idinudulog sa kanila ng mga residente sa kani­lang lugar.

Sa pinakahuling sumbong na ipinadala sa Bulabugin ay ang parang ‘lutong-makaw’ ang sistema ni kupitan ‘este Kapitan Geronimo kaug­nay sa isang nagpaayuda sa kanilang barangay na ang pinagtatalunan ay salapi.

Halos umiiyak na nagsumbong ang nagre­reklamo dahil panay pangako at re-schedule ng barangay para sa mediation/hearing.

Isang simpleng “certificate to file action” ay mukhang ayaw magbigay ni Kapitan Geronimo dahil BFF umano niya ang inirereklamo.

Ayaw na ayaw pa naman ni DILG Usec. Martin Diño nang ganyang estilo ng barangay chairman!

By the way, kumusta ba ang barangay mo Kapitan Geronimo pagdating sa peace and order, sugal at droga?

Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com

BULABUGIN
ni Jerry Yap

About Jerry Yap

Columnist at HATAW D'yaryo ng Bayan / CHRONICLE (Customs); National Press Club of the Philippines President (2010-2012), Treasurer (2012), Director (2004-2010) and National Chairman at ALAM (Alab ng Mamamahayag)

Check Also

Firing Line Robert Roque

Mga senador na nasa tama, nagkamali

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MARAHIL humupa na sa ngayon ang galit ng publiko …

Aksyon Agad Almar Danguilan

“Kian Bill” para sa mga inosente, isabatas na!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IYAN ang sigaw o panawagan ng grupong Akbayan Partylist sa Kongreso. …

PADAYON logo ni Teddy Brul

Upakan sa Pasig umiinit

PADAYONni Teddy Brul HINAMON ni dating Pasig City councilor, Atty. Ian Sia si Mayor Vico …

Sipat Mat Vicencio

Imee Marcos hinayaan babuyin ang amang si Makoy

SIPATni Mat Vicencio HINDI man lamang nagawang ipagtanggol ni Senator Imee Marcos ang kanyang amang …

Dragon Lady Amor Virata

Overstay sa Amerika, deportation parusa ni Trump

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata MARAMING Pinoy ang nangangamba ngayon sa Amerika lalo mga …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *