IDINAAN sa biro ni Martin del Rosario ang kanyang sagot sa tanong namin kung ano ba ang pakiramdam na pinag-aagawan siya nina Akihiro Blanco at Kiko Matos, mga leadingmen niya sa pinagbibidahang Born Beautiful directed by Perci Intalan.
“Ang ganda ko pala!” sambit ni Martin sabay tawa.
Nakausap namin si Martin sa matagumpay na special uncensored version screening ng Born Beautiful sa UP Cine Adarna (UP Diliman) noong Biyernes, January 18. Tuwang-tuwa si Martin dahil nakita niya ang mahabang pila ng mga taong gustong maunang makapanood ng pelikula bago ang showing nito sa January 23.
Ginagampanan ni Martin sa movie ang role ni Barbs, isang transgender na iibig sa dalawang lalaki – sina Michael Angelo (Akihiro) at Gregory (Kiko)—na pag-aagawan ang kanyang pagmamahal at atensiyon.
Paano ide-describe ni Martin ang pakikipagtrabaho kina Akihiro at Kiko? “Sobrang walang arte kaya siguro naging maganda rin ‘yung pagtatrabaho namin, kaya rin naging mas matapang ‘yung script. Actually, hindi lang kina Aki at Kiko, sa lahat ng cast na sobrang ibinigay lahat at game sa lahat ng sinasabi ni Direk Perci.”
Sagana sa kissing scenes at love scenes si Martin kina Akihiro at Kiko. Okay lang ba na tila mas napag-uusapan ngayon ang daring scenes nila? “Okay lang naman. Pero ang gusto kong sabihin sa lahat ng mga tao, hindi lang ito tungkol sa kissing scenes at love scenes, maraming matutututuhan ‘yung mga manonood dito.”
Paano ilalarawan ni Martin ang halik nina Kiko at Akihiro? “Siguro ‘yung kay Kiko is wild and animalistic. Kung kay Aki naman is romantic and passionate.”
Kung pipili siya, ano ang mas nagustuhan niya, ang animalistic kiss ni Kiko o passionate kiss ni Akihiro? “Depende sa mood ni Barbs. Kasi pwede mo naman gawin parehas,” biro ni Martin.
Kasama rin sa cast ng movie sina Chai Fonacier, Lou Veloso, Elora Espano, VJ Mendoza, Joey Paras, Jojit Lorenzo, at Gio Gahol. Produced by The IdeaFirst Company Inc., Cignal Entertainment, at OctoberTrain Films, ang Born Beautiful ay mapapanood sa mga sinehan nationwide simula sa Miyerkoles, January 23.
ni Glen P. Sibonga