HUMARAP si Kris Aquino kasama ang kanyang mga abogado sa isang press conference na ginanap noong Sabado, January 5, sa bahay ng actress-host para sagutin ang mga paratang ng dating business partner ni Kris na si Nicko Falcis na umano’y “false, baseless and malicious” ang complaints na isinampa laban sa kanya. Napanood ito ng live sa iba’t ibang online at social media platforms ni Kris (YouTube, Facebook, Twitter, at Instagram).
Kabilang sa mga abogado ni Kris sina Atty. Sig Fortun, Atty. Nilo Divina (Dean of UST Law Office) at legal team nito sa Divina Law Office.
Pahayag ni Atty. Fortun, “Kailangan nating sagutin ‘yung mga paratang na lumalabas sa social media at in fact ay kumakalat ngayon sa Internet tungkol sa mga defenses ni Mr. (Nicko) Falcis. Dapat noon pa lang, noong Oktubre 12 nang una nating inihain ‘yung ating habla ay sumagot na siya. Immediately after October 15, meron na silang kopya. So, itong mga defenses na ito, mga sinasabi niya na lahat ng mga paratang mo (Kris) ay walang basehan, lahat ng paratang mo ay malisyoso, at gusto mo lamang sirain ang kanyang pagkatao at reputasyon ay dapat inihain na niya as early as that time kung totoong siya’y walang kasalanan.”
Inisa-isa na ni Atty. Fortun ang mga paratang ni Nicko kay Kris. “‘Yung sinasabi niya ngayon na mayroon ka raw utang sa kanya at mayroon kang sinasabi roon na tinakot mo siya dapat noon pa lang umpisa sinabi na niya iyan. Noong una naming makausap ang kanyang abogado at kanyang kapatid na babae roon na sana sinabi na kaagad nila na, ‘Oy, si Ms. Kris Aquino may utang sa kapatid ko na nuwebe milyones (P9 million).’ As early as that time, kung totoong may claim nga siya na ganoon, dapat ‘yung kapatid at ‘yung abogado na mismo ang nagsabi sana niyon. Eh, wala pa namang kaso noong panahon na iyon – September 27. At walang nag-pressure sa kanila na hindi magsalita. Sa halip ang ginawa nila, ‘yun ang tinatawag ng mga abogado na delaying tactics. Ninety days ang kanyang nakuha at noong napagsarhan na siya, kasi lahat ng imbestigasyon ng kaso ay sarado na, all of a sudden lumabas na siya from his hibernation, from his being in hiding. At sinasabi ngayon niya, nandito na siya sa Pilipinas, nawala na ‘yung kanyang takot, na allegedly tinakot mo siya, na wala namang either report or sinasabi ang kanyang kapatid o ang kanyang abogado na tinatakot mo siya. Kung mayroong threat sa iyo ang gagawin mo lang ay mag-execute ka ng affidavit, sasabihin mo kung sino ‘yung nananakot sa iyo at ipa-blotter mo. Dalhin mo lang sa closest police station. I-blotter mo na si Kris Aquino tinakot ka o tinatakot ka o pinagbantaan ka. Eh, wala namang ganoon, kahit ‘yung kapatid niyang babae at ‘yung kanyang abogado kasama namin, kausap namin during all the preliminary investigation, wala namang binabanggit na utang, pananakot o kahit ano pa man na ginagamit ngayong depensa.”
Dapat sa tamang forum sa husgado sumasagot ang kampo ni Nicko at hindi sa social media. “Kung ikaw ay naniniwala na mayroo ka talagang katibayan at kaya mong depensahan itong mga sumbong laban sa iyo, napakadali naman sigurong sumagot, ‘di ba? Pero kung ika’y nagtatago sa Thailand at may dahilan ka kung bakit nagtatago, at ayaw mong sumagot at ang ginagawa mo lamang ayon sa iyong abogado ay gumawa lamang ng dahilan para hindi ka makadating sa bansa. Ngayong napagsarahan na sila ng investigation, inilalabas nila na hindi sa husgado at sa prosecutor’s office kung hindi sa social media.”
Rebelasyon pa ng legal team ni Kris, ang gusto raw ng kampo ni Nicko na bago sila makipag-usap at makipag-settle, dapat ay i-drop muna ni Kris lahat ng kasong isinampa nito. “Never na kami ang nakiusap. Sa lahat ng pakikipag-miting namin, sila ‘yung nakikipag-areglo. In fact, sila ‘yung nag-o-offer na ibabalik ‘yung mga nakuha, humihingi pa nga ng panahon, amortization, huhulugan. So, ibang-iba ‘yung inilalabas nila sa media na inosente sila sa totoong ginagawa nila kapag kaharap kami na nakikipag-areglo.”
Tila itinataon din daw ng kampo ni Nicko na ilabas ang iba’t ibang paratang ngayong panahong nakikipaglaban din si Kris para sa kanyang kalusugan.
“Mukhang tina-timing-an nila ang labas ng lahat ng ito para magka-stress si Kris, dahil alam nila na may sakit, at ‘yung timing ay talagang malisyoso dahil kritikal ngayon ‘yung period, I think Kris can talk about that.”
Handang-handa si Kris at ang kanyang legal team na salagin lahat ng mga paratang at depensang ibinabato ni Nicko at ng kampo nito dahil hawak nila ang katotohanan na may kompletong ebidensiya. Ang dapat gawin ni Nicko ay harapin ang mga kaso nito.
(GLEN P. SIBONGA)