TINGNAN ninyo, nagkita lang sina Coco Martin at Secretary Eduardo Ano, kasama ang producer ng show na si Dagang Vilbar, at mabilis silang nagkaintindihan. Naipaliwanag nila nang maayos kay Secretary ang kanilang punto, at nalaman din naman nila kung ano ang damdamin ng pulisya sa kanilang serye.
Ang sumunod na meeting, nagkita sina Coco kasama ang ilang executives ng ABS-CBN, at si PNP Chief Oscar Albayalde, may nakahanda na silang memorandum of understanding. Nagpasya silang magtutulungan. Pinayagan na silang gumamit ng uniporme, sasakyan, at maging ng facilities ng PNP, sa kasunduang hindi naman nila pasasamain ang imahe ng ahensiya at ng pulisya.
Kung si Coco ay natangay niyong mga makikitid ang isip, at umalma sa sinasabi ng PNP, kagaya ng reaksiyon ng iba na iyon daw ay panghihimasok sa kanilang sining, palagay ba ninyo maaayos nang ganyan kabilis ang gulong iyon? May mga tao lang na mabilis na magbigay ng reaksiyon, nang hindi naman iniisip kung ano ang ibubunga kung susundin ang kanilang sinasabi.
Hindi rin tamang katuwiran iyong, “may disclaimer naman na fiction nga lang iyon”. Kasi iyong fiction makasisira rin sa kanilang interest, tingnan mo kung hindi iyang mga madadaldal na iyan magagalit din.
Sa mga ganyang issues, tingnan muna natin at pag-aralan, ano ba ang interest niyang mga nagbibigay ng kanilang opinion sa issue? Baka naman may interest silang iba kaya ganoon ang kanilang reaksiyon.
Natawa rin kami sa posisyon ng MTRCB. Noong magkaroon ng gulo, ang naging sagot nila agad ay ang trabaho lang nila ay classification, wala sa kanilang mandato iyong sinasabi ng PNP. Kasi ang nasa MTRCB, si Chairwoman Rachel Arenas ay isang dating congresswoman. Politiko rin naman siya. Natural lang sa kanya ang maghugas ng kamay sa banggaan ng dalawang malakas na puwersa.
Pero mabuti naman si Coco, naintindihan niya agad kung ano ang punto ng isa’t isa. Inayos niya eh ‘di mas madaling natapos ang gulo.
HATAWAN
ni Ed de Leon