KAPAG mayroong fuel hike, agad-agad itong naipatutupad. Umaangal lang sa salita ang sambayanan lalo ang iba’t ibang transport groups pero hindi naman nito napipigil ang taas-presyo.
Siyempre, paano makapagpoprotesta ang mga tsuper sa gas station e kailangang bumili ng gasoline o diesel para makapaghanapbuhay.
Sa ilang beses na pagtataas ng petrolyo laging tinatangka ng transport groups na humiling na magtaas ng pasahe kasi nga naman, sila na lang ang nagpapasan ng taas-presyo tuwing may fuel hike.
Siyempre bilang mga padre de familia, pinapasan rin nila bilang consumer ang epekto ng fuel hike sa presyo ng mga basic commodities.
E sa totoo lang, sa Filipinas kapag presyo ang pinag-uusapan hindi ito pababa, laging pataas nang pataas.
Kaya nang payagan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang taas-pasahe, natuwa nang kaunti ang transport groups pero kumulimlim ang mukha ng commuters.
Naturalmente, kahit barya-barya ang dagdag-pasahe sa jeepney malaki ang impact nito sa mahaba ang biyahe. Pero kung inaakala ninyong ganoon kabilis para sa jeepney/bus drivers and operators na magtaas ng pasahe, hindi po. Kailangan kasi nilang magpaskil ng legal na Fare Matrix bilang regulasyon.
Ayon mismo sa LTFRB, ang mga driver at operators ay hindi maaaring maningil ng P10 minimum fare nang walang LTFRB-issued new certificate of public conveyance bilang bagong fare guide. Kailangan nilang mag-apply sa LTFRB upang maiproseso ang kanilang CPCs.
Sa ilalim ng “no fare guide, no fare hike” policy ng LTFRB, ang mga mahuhuling lumabag ay maaaring sampahan ng kasong overcharging, na may multang P5,000 para sa unang paglabag.
Heto ngayon, ang unang ulat na lumabas, ang halaga ng Fare Matrix ay P620. E ‘di siyempre umugong ang reklamo.
Kahit na sinasabing operator ang nagbabayad ng Fare Matrix, alam naman nang lahat na may bawi ito sa mga driver, hindi man tuwiran pero alam natin pipitik ito sa boundary nila.
Ang latest development, inilinaw ni LTFRB chairman Martin Delgra na P560 lamang at hindi P610 ang halaga ng Fare Matrix.
Aniya, ang babayaran lang ng jeepney operators ay P510 para sa regulatory fee; at P50 para sa matrix, kaya P560 ang kabuuan.
Sinabi ni Delgra, noong 2001, nagtakda ng regulatory fee na P510 para sa aplikasyon ng fare matrix, at P50 para sa matrix mismo. Ang bayad sa matrix ay para sa admin cost.
Pero sa naunang ulat, ang bayad ay umaabot sa P610: P40 para sa franchise verification; P50 para sa fare matrix; at P520 para sa rate increase.
Alin naman kaya ang totoo sa dalawa?!
Siyempre, panghahawakan natin itong sinasabi ni Atty. Delgra. Sigurado na ba ang drivers and operators diyan, Atty. Delgra?! At ganoon din kaya sa aktuwal na aplikasyon ng mga driver at operators?!
Sana naman!
P500-M OFWs
TERMINAL FEE
& TRAVEL TAX
SAAN NAPUNTA?
HINAHANAP ni Labor Secretary Silvestre “Bebot” Bello III kung saan napunta ang P500 milyones terminal fee at travel tax ng overseas Filipino workers (OFWs) mula noong 2015 na supposedly ay napunta sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP).
Ito ‘yung halaga na dapat i-refund sa mga OFW. Kung indibiduwal na refund, siyempre maliit talaga ito. Pero dahil pinagsama-sama, hayan umabot sa P.5 bilyon.
Pero itinanggi ng CAAP na nasa kanila ang pondong ‘yan.
Wala raw sa CAAP, dahil karamihan ng international airport (pito sa kabuuan) na nasa kanilang pangangalaga ay pawang turista ang umaalis at pumapasok. Maliban sa Davao International Airport, pero hindi umano naniningil ng travel tax at terminal fee.
Ang iba pang airports sa ilalim ng CAAP ay General Santos, Puerto Princesa, Iloilo, Zamboanga, Kalibo, at Laoag.
Kaya ibig bang sabihin nito, ni kusing mula travel tax at terminal fee ay walang nahahawakan ang CAAP?
Ayon sa tagpagsalita ng CAAP na si Eric Apolonio,
“Majority of the OFWs use the airports in Manila (NAIA), Cebu, and Clark. These other airports have their own mandates.”
Sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) naman, mayroong refund center, na puwedeng ipakita ng OFWs ang kanilang ticket at certificates para makuha ang refund.
Nabatid din na ang Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA) ay may koleksiyon din mula sa travel taxes.
Ang travel tax ay kasama sa halaga ng ticket, dahil hindi naman umano alam ng airline kung ang pasahero ay OFW o hindi, noong i-book nila ang ticket.
Bigla tuloy sumakit ang ulo ni Secretary Bello. Sa rami pala ng pinatutunguhan ng travel tax at terminal fee, e marami rin siyang kakausapin.
Ang tanong: may hawak bang listahan at numero si Secretary Bello kung ilang OFW ‘yan?!
Baka naman matapos ‘yang kuwentahan na ‘yan sa turo-turo?!
Ano sa palagay ninyo Secretary Bebot?!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap