MAKAPANGYARIHAN kung tingnan ang Pangulo pero may mga bagay na hindi niya kayang gawin kung wala ang tulong ng Senado at Kamara de Representantes. Isa na rito ang tuluyang pagbuwag ng Endo o 5-5-5 System.
Endo ang pinaigsing salita ng End of Contract. Sa ganitong sistema, tinatanggal ng mga kompanya ang kanilang mga manggagawa sa trabaho bago matapos ang kanilang kontrata. Kadalasan, nangyayari ang tanggalan sa ika-limang buwan ng kontrata at kailangang mag-aplay uli ang trabahador para sa panibagong kontrata. Makalipas ang limang buwan, tanggal uli sa trabaho at panibagong kontrata na naman. Ito ang dahilan kung bakit kilala din ang endo bilang 5-5-5 system.
Bakit naman hindi pinalalampas ng limang buwan sa trabaho ang mga mangagawa? Ayon kasi sa Labor Code, kailangang gawing regular na empleyado ang mga trabahador na lalagpas sa anim na buwan ang serbisyo. Kaya nga nakagawian na ng ilang kompanya na tanggalin sa trabaho ang empleyado bago umabot sa anim na buwan ang serbisyo.
Bakit naman, ‘ika ninyo, ayaw gawing regular ang mga trabahador kahit na mahalaga ang gawain nila sa kompanya? Kung hindi regular ang empleyado, malaki ang natitipid ng kompanya. Hindi sila nagbabayad ng kontribusyon sa SSS, PhilHealth at Pag-Ibig Fund. Nakatitipid din sa pagbabayad ng sick leave, vacation leave at maternity leave na itinatakda ng batas.
Noong nangangampanya pa lamang sa pagka-Pangulo, ipinangako ni Rodrigo Roa Duterte na bubuwagin niya ang sistemang endo. Pero sa kanyang ikatlong State of the Nation Address (SONA) nitong Hulyo lamang, inamin ng Pangulong Duterte na hindi niya kayang tapusin ang problema ng endo sa bansa.
Ayon sa Pangulo, imposibleng mabigyan ng solusyon ang problemang ito kung hindi siya tutulungan ng Kongreso. Hindi umano siya binigyan ng Konstitusyon ng kapangyarihan para bigyan ng ‘ending’ ang endo. Kailangang maipasa ng ating mga senador at kongresista ang batas na magwawakas sa endo. Hindi pa man nananawagan ang Pangulo sa pagpasa ng nasabing batas, ipinasa na ng Kamara de Representantes ang House Bill 6909 o Security of Tenure Bill noong 29 Enero 2018.
Ayon kay Rep. Randolph Ting (3rd District, Cagayan), chairman ng House committee on labor and employment, ipinagbabawal ng panukalang batas ang endo at labor-only contracting. Batay sa nasabing panukala, dalawa na lamang ang klasipikasyon ng mga mangagawang Filipino. Lahat ng trabahador ay kailangan gawing regular matapos ang anim na buwan sa trabaho.
Ipagbabawal ang “fixed-term employment” maliban sa overseas Filipino workers, manggagawang probationary, “relievers” na gumagampan sa trabaho ng mga absent na trabahador, “project employees,” at “seasonal employees.”
Sa kabila ng mabilisang aksiyon ng Kamara sa nasabing isyu, tila natutulog naman ang Senado sa pagpasa ng kanilang bersiyon ng Endo Bill. Hanggang ngayon, nasa Second Reading pa lamang ang Senate Bill 1826. Ibig sabihin, pagdedebatehan pa ng mga senador. Malapit nang matapos ang trabaho ng Kongresong ito.
Sa Pebrero, magsisimula na ang kampanya para sa May 2018 elections at malabo nang makapagpasa ng mga panibagong batas. Kung hindi maipapasa ng Senado ang kanilang Endo Bill, balewala ang ipinasang panukala sa Kamara. Kung hindi maipapasa ang Endo Bill bilang batas, walang ibang sisisihin ang taong-bayan kundi ang Senado. Partikular na mabubuntunan ng sisi ang mga senador na balak magbalik uli sa puwesto.
Siyanga pala, ang vice chairman ng Senate committee on labor, employment and human resources development ay si Sen. Sonny Angara. Miyembro naman ng komite sina Sens. Nancy Binay, JV Ejercito, Cynthia Villar at Bam Aquino.
PINGKIAN
ni Ruben Manahan III