Monday , December 23 2024

Bagong branch of service ba ng AFP ang Customs?

PUWEDE o hindi?

‘Yan ang tanong, alinsunod sa direktiba ni Pang. Rodrigo “Digong” Duterte na italaga ang mga kawal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Bureau of Customs (BoC) kasunod ng malaking eskandalo na kinasangkutan ni Commissioner Isidro Lapeña at kanyang mga tauhan sa nakalusot na P11-B shipment ng shabu.

Hindi natin minamasama ang pagtatalaga ng mga sundalo sa Customs o alinmang tanggapan ng pamahalaan, hangga’t walang batas na nagsa­sabing bawal.

Para kay Sec. Menardo Guevarra ng Department of Justice (DOJ) ay walang kuwes­tiyon sa constitutionality ang atas ni Pres. Digong na isailalim sa military control ang Customs, aniya:

“Certainly, it will not violate the civilian supremacy rule under Section 3, Article II of the Constitution because the BoC chief is a civilian and the BoC remains under the Department of Finance, which is still under the President.”

Pero paano ipaliliwanag ni Guevarra ang Article XVI ng Saligang Batas na sadyang iniwasan niyang banggitin?

Sa Sec. 5 (Par. 4), letra por letra ay maliwa­nag ang nasasaad:

“No member of the armed forces in the active service shall, at any time, be appointed or designated in any capacity to a civilian position in the Government including government-owned or controlled corporations or any of their sub­sidiaries.”

Naalala tuloy natin noong si yumaong Senador Miriam Defensor-Santiago ang Immigration commissioner sa panahon ni Cory ay nagtalaga siya ng mga aktibong miyembro ng AFP sa kan­yang tanggapan.

Sa isang forum ng dating sikat na United Nations Walkers Club sa Manila Hilton, taong 1989, ay naging panauhin si dating Pang. Fidel V. Ramos na noo’y kalihim ng Department of National Defense (DND).

‘Yan ang tanong na ating ipinukol kay FVR at sumang-ayon na ipinagbabawal sa Saligang Batas ang pagtatalaga ng mga aktibong miyembro ng AFP sa alinmang civilian agency ng gobyerno.

Makalipas ang ilang araw ay nabalitaan nating sinibak ang mga aktibong miyembro ng AFP na ipinuwesto ni Tita Miriam sa Immigration.

Isa pa sa gamit na depensa ng Palasyo ang kapangyarihan ng pangulo na isailalim sa control ng AFP ang Customs ay nasasaad daw sa Section 18, Article VIII ng Saligang Batas na:

“The President shall be the Commander-in-Chief of all armed forces of the Philippines and whenever it becomes necessary, he may call out such armed forces to prevent or suppress lawless violence, invasion, or rebellion. In case of invasion or rebellion, when the public safety requires it, he may, for a period not exceeding sixty days, suspend the privilege of the writ of habeas corpus or place the Philippines or any part thereof under martial law.”

Maliwanag na wala ang tatlong nabanggit na kadahilanan (lawless violence, invasion at rebellion) sa Saligang Batas para isailalim ang Customs sa military control na corruption ang talagang isyu sa pinalusot na shipment ng shabu.

Aba’y kung ang pagkakaintindi pala ng Palasyo ay lawless violence ang corruption, dapat ay isalilalim na rin sa kontrol ng military ang mga graft-ridden agency, ilan diyan ang Bureau of Internal Revenue (BIR) at Bureau of Immigration (BI).

Sa tanong na kung puwede o hindi, ang sagot ay puwedeng ipilit kahit labag sa batas.

Lahat naman ay puwedeng gawin kapag ginusto kaya nga nilikha ang mga batas na magpapanagot sa mga lalabag.

Hindi ba’t ang pagnanakaw ay ipinagbabawal din pero bakit hindi naman nauubos ang mga magnanakaw sa pamahalaan?

Kasi nga ay hindi naman napaparusahan ang mga lumalabag sa batas, at kung nakakasuhan man ay absuwelto rin sa bandang huli kahit pa pandarambong ang kaso ay nakalalaya.

Pero ang pinakamahalaga na mabuting pag-isipan muna ng AFP ang pananagutan na ipagtatanggol ang Saligang Batas na kanilang sinumpaan.

Ito ang probisyon na nasasaad sa Sec. 5 (1), Article XVI:

“All members of the armed forces shall take an oath or affirmation to uphold and defend this Constitution.”

Wala sanang diskusyon na italaga sa aduwana ang mga sundalong nasa active service kung ang Customs ay isa nang branch of service ng AFP.

(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09166240313. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])

KALAMPAG
ni Percy Lapid

About Percy Lapid

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *