MAY banda na ngayon ang versatile na comedian/singer na si Mojack kaya mas kakaibang entertainment at saya ang hatid niya sa bawat performance na kanyang ginagawa. Ang pangalan ng grupo niya ngayon ay Mojack with the Tribes Band.
“Start na po ang grupo kong Mojack with the Tribes Band sa mga tugtugan, out of town shows… Sa katunayan, katatapos lang po ng show namin as primetimer sa Food Treat Tayo sa Pasay City at heto po may Pampanga naman po kami this coming October 27 sa Angeles City.
“Ang members po ng Mojack with the Tribes Band- original rythm section ni kuya Joey (Blakdyak) na sina Noel (keyboard) Paul (guitar) Jeson (drums), si Alfie (bass) lang po ang bago sa amin pero solid na po kami,” saad ni Mojack.
Banda ba iyan ni Blakdyak dati? ”Yes po kuya, dati pa naman buhay pa si kuya, sila na ang kasama ko sa mga primetime ko. Alam at gusto naman ni kuya Joey (Blakdyak) na isama ko ang grupo, kapag wala silang show sa akin muna sila para kumita. Pero ngayon nga po na wala na siya at nakalulungkot, napag-usapan po namin ng grupo na ipagpapatuloy na lang namin ang naumpisahan niya po. Iyon naman po ang gusto niya at bilin niya sa akin noong tinawagan niya ako that time na nasa Japan.
“Ang schedules ko po this month: sa Oct. 23 ay sa Marinduque, Oct. 27 sa Angeles City, Nov. 2 sa Marinduque, Nov. 4 sa Legaspi City, sa Nov. 5 sa Bacolod City at sa Nov. 6 sa Cebu City po.”
Ayon pa kay Mojack, gusto nilang ibalik ang estilong reggae music sa bansa na pinasikat noon nina Papa Dom at ng bandang Tropical Depression, at ni Blakdyak. “Abangan po nila ang mga ilalabas naming kanta ng grupo na estilong reggae novelty na nawala sa industriya natin. Sana sa pamamagitan namin ay mabuhay natin ulit ito, kasi halos ang ating iniidolong mga reggae master ng Filipinas gaya po ni Papa Dom at Blakdyak ay pumanaw na, sumalangit nawa ang kanilang mga kaluluwa.”
Sa ngayon, bukod sa kaliwa’t kanang shows ay nagsisilbing jester din si Mojack sa ASAP sa ABS CBN.
ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio