DRAMA, gimik o isang palabas lang ba ang nangyayaring “Binay political war” sa Makati City? Ano sa tingin ninyo? Nagtatanong lang po tayo ha.
Pero hindi naman siguro, dahil nakita naman natin na talagang seryoso ang magkapatid na maghaharap sa 2019 election.
Kapwa pagka-alkalde ang tatakbuhin ng magkapatid na sina dating Makati Mayor Junjun Binay at incumbent Mayor Abigail “Abby” Binay – Campos.
Si Junjun ay nakapag-file na ng kanyang COC at habang isinusulat ito, 17 Oktubre 2018 dakong 11:35 am, nakatakda pang maghain ng kanyang COC si Binay – Campos.
Wala nang atrasan ang magkapatid sa posisyong kanilang pagtutunggalian. Katunayan, ayaw ngang makialam ng kanilang amang si dating Vice President Jejomar Binay, sa ‘away’ ng dalawa niyang anak na kapwa naman magagaling.
Pero, ano kaya ang mayroon sa Makati? Sagana ba sa mina ang lungsod? Hindi naman kabundukan ang Makati pero ba’t ganoon na lamang kaagresibo ang magkapatid na ‘hawakan’ ang kaharian ng lungsod? Wala, oo walang mina o hindi minahan ang Makati.
Sa nakikita naman natin, gusto lang uli paglingkuran ni Junjun ang mamamayan ng lungsod na napamahal na sa kanya. Miss na niya siguro ang tumulong o paglingkuran ang mamamayan ng Makati. I hope iyon talaga ang dahilan. Oo naman, si Junjun pa, makatao at maka-Diyos.
Pero hindi ba puwede maglingkod o tumulong kahit hindi ka isang “hari” o isang alkalde o ano pa man sa gobyerno? Puwede naman ‘di ba? Lamang, ‘ika ng ilan ay iba rin (daw) kasi kapag isa kang “hari” este, alkalde pala. Mas masarap daw ang paglingkuran ‘este, maglingkod pala.
E, si Madame Abby, ayaw niyang bumitaw o pagbigyan ang utol para makabalik sa makontrobersiyal na tore ng lungsod. Pursigidong tumakbo pa rin sa pagka-alkalde ang dating mambabatas. Bakit? Well, in fairness sa ale, wala namang kung anong kabalastugan si Abby ngayong siya ang alkalde ng lungsod. Tama!
Pero hindi ko sinasabing si Junjun ay may sabit ha, kung hindi naging makontrobersiyal lang ang bata sa usaping pagpagawa ng tore este, P2.2 bilyong Makati City hall building project 2.
Bagamat, hindi pa naman napatunayan na may nilabag ang dating alkalde kaya puwedeng-puwede pang tumakbo at maglingkod sa mamamayan ng Makati. Anang Comelec, puwede pa rin tumakbo si Junjun.
Sige, takbo na nga rin ako…miss ko nang tumakbo e. Sa kalsada nga lang tayo ubra. Kahit hanggang 100 kilometro pa o higit pa.
Ano pa man, kapag natuloy ang magkapatid sa pagka-alkalde, sino’ng talo rito? Si Mayora Abby ba o si dating Mayor Junjun? Isa lang ang mananalo at isa lang din ang matatalo sa labanan pero sa dulo, Binay pa rin ang wagi. Tuloy pa rin ang paglilingkod ng mga Binay sa mamamayan ng Makati.
In fairness, marami-rami nang nagawang magaganda ang mga Binay sa Makati, kaya hindi nakapagtatakang mahal na mahal sila ng mga taga-Makati.
Kung baga, walang natalo sa Binay! Pero, ‘wag pakasisiguro dahil kapag may lumaban na malakas, delikado ang Binay dahil mahahati ang kanilang boto. Esep-esep nang mabuti — opo, isip-isip kayo Sir Junjun at Madame Binay, baka magaya kayo sa nangyari sa isang mag-ama sa Laguna na kapwa tumakbo sa pagka-gobernador noon. Kapwa sila natalo, at ang nagwagi ang kanilang nag-iisang kalaban.
Uli, gimik lang ba ang “political war” sa Makati ng magkapatid na Binay? Nagtatanong lang po.
AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan