PINAYOHAN ni Senate Blue Ribbon Committee chair Sen. Richard “Dick” Gordon si Commissioner Isidro Lapeña na tanggalin ang mga dati niyang tauhan sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na nakapasok sa Bureau of Customs (BOC).
Tinawag na incom-petent ni Gordon ang mga katiwaldas, este, pinagkakatiwalaan ni Lapeña sa PDEA noon na naipuwesto sa Customs.
Sa ikatlong pagdinig ng Senado sa pagkawala ng P6.8-B shabu na pinaniniwalaang nakapalaman sa magnetic lifters na natagpuan ng PDEA sa Cavite matapos mailusot sa Customs, ang sabi ni Gordon kay Lapeña:
“Incompetent ang mga tao mo, palitan mo ‘yan, mapapahamak ka!”
Hindi pinangalanan ni Gordon kung sino ang mga tinukoy niyang mga incompetent o mga walang kakayahan, pero 3 sa malalapit na katiwaldas ni Lapeña sa Customs X-ray division ang ipinatawag sa imbestigasyon ng Senado — sina: Zsae de Guzman, X-ray division chief; Manuel Noli Martinez at John Mar Morales na kapwa operators.
“You know what? That’s the problem when you bring your own guys to a new position, to your new post. You have to watch over them because they enjoy familiarity with you,” ani Gordon.
“NINJA” SA PDEA PNP AT BOC
SA “SECRET SPECIAL REPORT”
ANG hindi natin alam ay kung ang mga noo’y ahente ng PDEA na isinama ni Lapeña sa Customs ay kabilang sa grupo ng ilang dati at aktibong tauhan ng Philippine National Police (PNP), PDEA at BoC na inilabas ni Pang. Rodrigo “Digong” Duterte sa media, kamakalawa.
Nakababahala ang “secret special report” ni Pres. Digong na nagsasangkot sa mga dati at aktibong opisyal at mga tauhan ng PNP, PDEA at Customs sa pagpapakalat ng ilegal na droga.
Sa nasabing report, ilan sa mga dating mataas na opisyal ng PNP at PDEA ang pinangalanan — sina former PDEA deputy director general for administration Ismael Fajardo, Jr., at ex-Sr. Supt. Eduardo Acierto.
Malalim ang banggit sa pagkakadawit nina Fajardo at Ancierto sa kaso ng recycling, frame-up at planting of evidence na nagpayaman habang sila ay nasa serbisyo bilang noo’y mga opisyal ng PNP at PDEA.
Si Fajardo na naging tauhan din ni Lapeña sa PDEA ay sinibak ni Dir. Gen. Aaron Aquino noong September 14 dahil sa illegal drug trade.
Iniuugnay si Fajardo sa drug operations sa Valenzuela noong January 12, 2016; Binondo drug raid noong January 15, 2016; at sa umano’y pag-aresto sa dalawang Taiwanese nationals sa Parañaque City.
Si Fajardo na itinuturong nasa likod ng “frame-up” laban kay dating Marines Lt. Col. Ferdinand Marcelino January 20, 2016 sa Maynila.
Ayon sa “initial investigation” ay umaabot sa mahigit P100-M ang tagong yaman na naimpok ni Fajardo at hindi tugma sa kanyang kita bilang empleyado ng pamahalaan, malayo sa P7.8-M na deklarasyon sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Networth (SLAN) noong Dec. 31, 2014.
Kabilang sa umano’y mga naimpok na ari-arian ni Fajardo ay real properties na mga bahay at lupa sa Sta. Rosa, Laguna; Quezon City; Subic, Zambales; at ang Elyse Maison Event Place and Private Resort sa kanyang bahay na tinutuluyan sa boundary ng Taytay, Rizal at Antipolo City.
Iniuugnay rin si Fajardo sa kaso ng panggagahasa sa isang Sandra Uy, maybahay ng isang Intsik na hinuli ng isang PDEA agent na pinangakuan niyang tutulungang makalaya.
Natunton na ang personal black bulletproof Toyota Prado Land Cruiser na gamit ni Fajardo ay nakarehistro sa pangalan ng isang Sandra Uy na naninirahan sa Marikina City.
Si Ancierto naman ay dating hepe ng binuwag na PNP Anti-Illegal Drugs Group (AIDG) na nasangkot sa pagpatay sa Koreanong si Jee Ick Joo sa compound ng Camp Crame.
Halos pareho lang at walang ipinagkaiba kay Fajardo ang gawain ni Ancierto — recycling ng mga kompiskadong droga, frame-up at planting of evidence — ang modus na iniuugnay sa mga “Ninja Cops.”
Ilan kaya sa mga kasamahan nina Fajardo at Ancierto sa grupo ang nakapasok sa Customs?
KALAMPAG
ni Percy Lapid