BATA pa lamang tayo, idolo na natin ang mga pulis. Sa elementarya nga noon, halos lahat ng kalalakihan sa klase natin ay pangarap maging pulis. Iginagalang kasi ang mga pulis noon at sandigan ng mga inaapi.
Sa kinalakihan nating lugar sa ‘Tundo,’ mataas ang respeto sa uniporme ng pulis. Hindi lang kasi sila lumalaban sa mga kriminal; tagapamayapa rin sila sa anumang kaguluhan. Kahit problema nga minsan ng mag-asawa, sila rin ang umaayos. Basta may problema, takbo lang sa pulis.
Nang magsimula tayong magtrabaho bilang mamamahayag, nakita natin nang malapitan kung paano ibuhos ng mga pulis ang kanilang oras at lakas sa serbisyo. Bilang ‘police reporter,’ bumilib tayo sa dedikasyon nila sa trabaho. May ilang nakasalamuha tayo na medyo dispalinghado. Pero masasabi natin na karamihan sa kanila, seryoso ang intensiyon na maglingkod sa publiko.
Sa paglipas ng panahon, medyo nagbago ang pananaw ng ordinaryong tao sa ating pulisya. Tila dumarami kasi ang bilang ng mga pulis na napapabalitang sangkot sa mga krimen at ilegal na gawain. Napapansin din ang pag-abuso ng ilan sa kapangyarihan.
Personal nating nasaksihan ang pag-abusong ito nang minsang mapasyal uli sa ‘Tundo’ para makipaglamay sa namatay na kamag-anak. Sa pagbisitang iyon, natuwa pa naman sana tayo sa malaking pagbabago ng kinalakihang lugar. Maliwanag at may ilaw ang mga kalye. Wala nang mga kalalakihan na nakahubad sa kalsada at wala na rin nag-iinuman sa gitna ng kalye.
Nakikipaghuntahan tayo noon sa mga kamag-anak nang biglang may dumaan na patrolya ng pulis. Biglang huminto ang sasakyan sa tapat ng burol at bumaba ang ilang pulis. Akala natin ay magpapaabot ng pakikiramay sa namatayan.
Laking gulat na lamang natin nang biglang hablutin ng dalawang pulis ang lalaking anak ng nakaburol na naninigarilyo noon ilang metro ang layo sa lamayan. Sapilitang isinakay ang binata sa kanilang sasakyan. Nilapitan ng mga kamag-anak na naglalamay ang mga pulis at tinanong kung bakit dinampot ang namatayan. Hindi pinansin ng mga pulis ang katanungan.
Dahil nagpapalahaw na sa iyak ang ina ng dinampot, nilapitan natin ang mga pulis at muling tinanong kung bakit nila dinadampot ang anak ng nakaburol. Simple ang madiin na sagot: “violation of city ordinance.” Nang tanungin kung saan dadalhin ang binata, matigas pa rin ang naging tugon ng mga pulis: “Sa Pritil station.”
Nang humarurot ang patrolya, hindi na matigil sa pag-iyak ang ina ng dinampot. Maging mga naglalamay ay hindi mapakali at nanginginig sa takot. Nag-aalalang mapapabilang ang binata sa bilang ng mga biktima ng Tokhang.
Mabuti na lamang at agad na nakatawag ang mga naglalamay sa isang kagawad ng barangay na nakatira sa di-kalayuan. Mabilis na pinuntahan ng kagawad ang Pritil police station para tiyakin na naroon ang dinampot. Isang oras din ang nakalipas bago bumalik ang kagawad sa burol kasama na ang dinampot na binata.
Nang tanungin ang binata kung bakit siya dinampot, sinabi raw ng mga pulis na dahil sa paninigarilyo. Bawal na raw ito dahil sa city ordinance na mahigpit na ipinatutupad ni Mayor Erap.
Bilib tayo sa mahigpit na pagpapatupad ng mga city ordinances sa Maynila. Nakabubuti ito para sa siyudad. Ang hindi katanggap-tanggap, ‘yung kabastusan ng ilang pulis-Pritil sa pagpapatupad ng batas. Hindi mahirap na ipaliwanag sa magulang kung bakit kailangang dalhin ang kanilang anak sa presinto dahil sa paglabag sa city ordinance. At lalong hindi kailangang tratuhin bilang pusakal na kriminal ang mga lumalabag sa ordinansa.
Dahil sa nangyaring insidente, naiintindihan na natin kung bakit nalalayo ang loob ng ordinaryong tao sa ating mga pulis. Sa halip na matuwa kapag nakakakita ng pulis, kinaiinisan ang kanilang presensiya sa komunidad. Sana magbago ang ganitong pananaw. Kriminal lang kasi ang dapat matakot sa mga pulis, hindi ang tahimik na mamamayan.
PINGKIAN
ni Ruben Manahan III