MATAPOS ang ilang linggong pagpapaliban, ipinagpatuloy na muli ng Kamara de Representante ang congressional hearing sa 2019 pambansang badyet na isinumite ng Malakanyang sa Kongreso. Kaiba sa pagtalakay ng badyet ng nakalipas na mga taon, inaaasahan na magiging madugo ngayon ang diskusyon sa nasabing usapin.
Hindi kasi matanggap ng mga kongresista ang lalim ng mga ibinawas sa badyet ng ilang mahahalagang departamento at ahensiya gayundin sa ilang programang pinopondohan mula sa buwis ng mamamayan. Hindi lamang milyong piso ang pinag-uusapang kabawasan sa badyet ngayon kundi bilyon-bilyong piso na dapat ay pakikinabangan ng taong bayan sa susunod na taon.
Kabilang sa mga matatapyasan ng badyet ang Department of Public Works and Highways (P95 bilyon), Department of Education (P77 bilyon), Department of Health (P35 bilyon), at Department of Agriculture (P6 bilyon). Mababawasan din ng P5 bilyon ang laang pondo para sa Department of Social Work and Development at Commission on Elections.
Sa DOH, tatamaan nang husto ang Health Facilities Enhancement Program (HFEP) na binibigyan na lamang ng alokasyon na P100 milyon mula sa kasalukyang badyet na P30.3 bilyon. Dito kinukuha ang pondo para sa pagpapagawa ng mga ospital at barangay health stations sa mga probinsiya.
Bukod sa pagkaltas ng pondo para sa mga ospital, tiyak na maaapektohan din ang serbisyong medikal sa kanayunan dahil sa kabawasang P8.4 bilyon sa “nurses and doctors to the barrios program” ng DOH. Sa susunod na taon, asahan ang malawakang sibakan ng mga doktor at nars na nagtitiyagang maglingkod sa malalayong lugar sa kabila ng maliit na sahod.
Ilan pa sa mga maaapektohang programa ng gobyerno dahil sa kaukulang kabawasan ng pondo ang mga sumusunod:
* Flood management program (P80 bilyon)
* CHED Student Financial Assistance
Program (P3 bilyon)
* DSWD Kalahi CIDSS (P2.7 bilyon)
* DepEd Basic Educational (P69.4 bilyon)
* DepEd Leaning Tools and Equipment
(P3.7 bilyon)
* DepEd computerization (P3.1 bilyon)
* SUCs’ capital outlay para sa mga bagong gusali (P7.8 bilyon)
Ang hindi natin maintindihan, bakit ganito kalaki ang mababawas sa mga serbisyong laan sa mamamayan gayong bilyon-bilyong piso naman ang dagdag na kinita ng gobyerno mula sa pagpasa ng Tax Reform for Accelaration and Inclusion o TRAIN Law? Hindi ba’t ito ang dahilan kung bakit ipinasa ang nasabing batas? Ang makakuha ng malaking pondo mula sa buwis para mapabuti ang serbisyo sa mamamayan?
Sa kanyang ulat sa Kongreso, sinabi ni Finance Secretary Carlos Dominguez na umabot sa P33.3 bilyon ang kinitang buwis mula sa TRAIN Law sa unang anim na buwan pa lamang ng taong kasalukuyan. Dahil dito, tumaas ng 20 porsiyento ang kabuuang buwis na nakolekta noong isang taon.
Sa susunod na taon, tinatayang P181.4 bilyon naman ang makukuha ng gobyerno mula sa TRAIN Law at iba pang batas na nakatakdang ipasa ng Kongreso tulad ng panukalang Tax Amnesty Program at Motor Vehicle Users Change. Makatutulong umano ito para mabuo ng gobyerno ang target na koleksiyong P3.21 bilyon sa taong 2019.
Bilyon-bilyon ang kikitain dahil sa TRAIN Law pero bilyon-bilyon naman ang ibabawas para sa serbisyo sa taong bayan. Mahirap naman yatang ipaliwanag iyan sa maliliit nating kababayan na pumapasan ng mataas na presyo ng bilihin dahil sa TRAIN Law.
Umaasa pa rin tayo na bubusisiin nang husto ng mga kongresista ang panukalang badyet na galing sa Malakanyang. Nararapat lamang na taasan ng pondo ang mga programang may direktang benepisyo sa mamamayan at bawasan naman ang gastusin na walang kapakinabangan.
Ito lamang ang hiling natin kapalit ng bigas na may bukbok at galunggong na singkit.
PINGKIAN
ni Ruben Manahan III