Friday , November 15 2024

‘Quasi-judicial power’ tanggalin sa Comelec para patas ang halalan

GUSTO raw ni Pangu­long Rodrigo “Digong” Duterte na i-deputize siya ng Commission on Elections (Comelec) para masiguro na magi­ging malinis ang pagda­raos ng halalan sa 2019, aniya: “I commit to the Filipino people that this will be a clean election. Sabihin ko sa Comelec na i-deputize personally ako.”

Wala na lang sigu­rong masabi at maisip na gimik ang pangulo na ang sabi ay kesyo ipatutupad daw niya sa mga susunod na buwan ang Alunan doctrine na nagbabawal sa pagbibitbit ng matataas na kalibre ng baril — na posibleng ito ay patungkol sa mga politiko.

Hindi garantiya ang pagpepresenta sa sarili ni Pres. Digong sa Comelec para sa malinis na halalan. Ang Comelec ay may sariling mandato sa Saligang Batas bilang Constitutional office na may hiwalay at sariling mandato kaya’t ‘di maaaring pakialaman ng sinomang nasa executive kahit pa ng isang pangulo na gaya ni Pres. Digong.

Puwede lang mangyari ang sinasabi ni Pres. Digong kung ang pag-deputize sa mga opisyal ng pamahalaan ay naaayon sa Saligang Batas. Pinagbabawalan sa batas ang sinomang empleyado at opisyal ng pamahalaan na makilahok sa anomang political activities sa panahong sakop ng eleksiyon, kasama ang mga politiko – kandidato man o hindi.

Matagal na rin ipinagbabawal sa publiko ang pagbitbit ng mataas at mababang kalibre ng baril sa panahon ng eleksiyon, maliban doon sa may exemption at pahintulot ng Comelec. Pero ang batas sa pagbitbit ng baril ay alam naman nating hindi kailanman naipatupad ng Comelec at ng pamahalaan sa malalayong lugar sa bansa, at paminsan-minsan sa kalunsuran ay may mga nahuhuli pang lumabag sa batas.

Kung talagang sinsero si Pres. Digong na magkaroon ng malinis na halalan sa bansa, dapat niyang isulong ang paglikha ng probisyon sa Saligang Batas para ang Comelec ay bawasan at tanggalan ng sobrang kapangyarihan. Wala sigurong eleksiyon sa bansa na kung ‘di man sila ang promotor ay Comelec pa mismo ang promotor sa mga katarantadohan at pasimuno ng pandaraya sa eleksiyon.

Kaya naman walang malinis na eleksiyon na maasahan ang sambayanan habang ang Comelec din ang patuloy na magsisilbing dulugan ng reklamo at protesta sa eleksiyon.

Paano makaaasa ang mamamayan ng patas na desisyon sa mga election related protest kung kasama sa mga dapat kasuhan ang Comelec sa pakikipagsabwatan sa mga magnanakaw at walanghiyang politiko?

Gago lang ang maniniwalang papaboran ng Comelec en banc ang anomang kaso laban sa mga kasamahan nilang election officials at employees na kasabwat sa pagmamanipula ng eleksiyon.

Masyado nang garapalan ang pag-abuso ng Comelec sa kapangyarihan, lalo sa disposisyon ng mga kaso at protesta batay sa sarili nilang kapritso – imbes sa batas.

Ang masaklap, ang mga tinarantadong resolusyon at pasiya ng Comelec ay kinakatigan pa ng Korte Suprema kaya’t nagkakaroon ng magkakaibang desisiyon kahit sa magkakatulad na kaso. Ganyan kalala kung lapastanganin ng Comelec ang sagradong tiwala ng mamamayan sa pagboto.

Kaya’t ang tanging solusyon ay pagbabago na maglilimita sa mandato ng Comelec. Panahon na para tanggalan ang Comelec ng “quasi-judicial power” at ang pagtatag ng bagong independent body na pagdudulugan ng mga election related cases.

Kung may isang hiwalay na tanggapang didinig sa election related cases ay puwede nang sampahan ng kaso ang sinomang empleyado at opisyal ng Comelec na nagpapagamit sa sinomang politiko kapalit ng suhol. Kapag nangyari ‘yan, may pagkakataon na rin ang maraming abogado na humawak ng election related cases na sa maha­bang panahon ay umiikot lamang sa ilang election lawyers.

Sa kadalasa’y ang mga kilalang election lawyers ay suspetsang kasabwat pa nga sa pagbangketa ng mga baluktot na desisyon ng Comelec. Kaya naman duda rin tayo sa mga miyembro ng Consultative committee (Con-com) na itinalaga ni Pres. Digong kung bakit hindi isinama sa kanilang proposed amendment ang pagsibak sa powers ng Comelec. Pres. Digong, ito ang hinahanap namin na klase ng tapang at malasakit para sa tunay na pagbabago!

(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09166240313. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])

KALAMPAG
ni Percy Lapid

About Percy Lapid

Check Also

Firing Line Robert Roque

Mga senador na nasa tama, nagkamali

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MARAHIL humupa na sa ngayon ang galit ng publiko …

Aksyon Agad Almar Danguilan

“Kian Bill” para sa mga inosente, isabatas na!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IYAN ang sigaw o panawagan ng grupong Akbayan Partylist sa Kongreso. …

PADAYON logo ni Teddy Brul

Upakan sa Pasig umiinit

PADAYONni Teddy Brul HINAMON ni dating Pasig City councilor, Atty. Ian Sia si Mayor Vico …

Sipat Mat Vicencio

Imee Marcos hinayaan babuyin ang amang si Makoy

SIPATni Mat Vicencio HINDI man lamang nagawang ipagtanggol ni Senator Imee Marcos ang kanyang amang …

Dragon Lady Amor Virata

Overstay sa Amerika, deportation parusa ni Trump

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata MARAMING Pinoy ang nangangamba ngayon sa Amerika lalo mga …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *