IKATLONG State of the Nation Address o SONA ngayon ni Pangulong Duterte. Dalawang taon nang pinamumunuan ng dating Mayor ng Davao City ang pamamahala sa buong bansa. Sa araw na ito, asahan ang pagpapahayag ng magkakaibang pananaw kung nakabuti nga ba o nakasama sa bansa ang pagkakahahal kay Pangulong Duterte. Tiyak, sampu-singko ang debate ngayong araw kung guminhawa nga ba ang buhay ng mga Pinoy sa ilalim ng kanyang administrasyon.
Aminin man natin o hindi, maikli ang dalawang taon para sukatin ang administrasyon ng sinumang Pangulo. Naiintindihan din natin kung bakit nagsasala-salabat ang opinyon ng mga Pinoy sa kanilang inihahalal na Pangulo. Lahat kasi ng Pangulong naihahal matapos ang administrasyon ni Ferdinand Marcos ay maituturing na ‘minority president.’ Ibig sabihin, hindi pinili ng mayoryang botanteng Filipino.
Pero ‘di ba nakakuha ng mahigit 16 milyong boto si Pangulong Duterte noong taong 2016? Alalahanin natin na 39 porsiyento (39%) lamang ito ng kubuuang bilang ng bumotong Filipino noon. Ang iba ay bumoto kay Mar Roxas (23.4%), Grace Poe (21.4%), Jojo Binay (12.7%) at Miriam Santiago (3.4%). Sa simpleng salita, 61 porsiyento (61%) o nakararaming Filipino ay may ibang manok para sa pagka-Pangulo.
Sa kabila ng pagiging ‘minority president,’ nakuha naman ni Pangulong Duterte ang tiwala ng mayoryang Filipino matapos ang eleksiyon. Kung pagbabasehan ang mga survey ng SWS at Pulse Asia, aprobado ng mga Pinoy ang pamamalakad ni Duterte sa bansa. Marami ang nagtataka kung bakit mataas ang approval rating ng Pangulo gayong ang ingay ng mga bumabatikos sa kanyang administrasyon.
Hindi maikakaila na marami rin nagawang kabutihan ang kasalukuyang administrasyon. Lingid sa kaalaman ng nakararaming Pinoy, nakapagpasa ang Kongreso ng may kabuuang 39 national laws mula nang maupo si Duterte bilang Pangulo. Ilan dito ay may malaking ginhawang naibigay sa ordinaryong mamamayan.
Tampok sa mabubuting programa ang pagbibigay ng libreng irigasyon sa mga magsasaka na nagmamay-ari ng lupang hindi bababa sa walong ektarya. Hindi nararamdaman sa mga kalunsuran ang programang ito pero sigurado tayo na malaki ang epekto nito para madagdagan ang kita ng nakararaming Pinoy.
Ayon kasi sa Philippine Statistics Authority (PSA), 10 milyon sa 30 milyong-ektarya ng lupain sa Filipinas ay ginagamit para sa agrikultura. Halos mayorya o 45.5 porsiyento ng Pinoy ay direktang kumikita sa pagtatanim sa bukid (farming). Batay naman sa datos ng taong 2014, tinatayang 11 milyong Filipino na may lakas-paggawa (workforce) ang umaasa sa agrikultura. Kung may limang miyembro bawat pamilya, aabot sa 55 milyon ang mga Filipino na makikinabang sa pagtaas ng kita sa agrikultura.
Dapat din purihin ang mabuting intensiyon na maipatupad ang libreng edukasyon para sa lahat ng Filipino. Nasimulan na ang programang ito sa pagpasa ng Republic Act 10931 na nagpopondo para sa libreng edukasyon sa may kabuuang 112 state universities and colleges (SUCs) at 78 local universities and colleges (LUCs) sa buong bansa. Tinatayang 1.3 milyong estudyante ang direktang makikinabang dito. Para naman sa mga nag-aaral sa pribadong paaralan, naglaan din ang batas ng Tertiary Education Subsidy para malibre sa pag-aaral ang mahihirap pero kuwalipikadong estudyante.
Sa kabila ng mabubuting programa, marami rin maituturing na pagkukulang ang kasalukuyang administrasyon. Pangunahin dito ang paglaganap ng patayan sa bansa. Maliban sa mga pusher at adik, parang manok na pinapatay sa mga lansangan maging ang mga halal na opisyal at empleyado ng pamahalaan. Sa dami ng patayan, parang manhid na nga ang Pinoy sa mga balita araw-araw tungkol sa ambush at pamamaril ng mga riding-in-tandem.
Mahirap din lunukin para sa nakararaming Pinoy ang masamang epekto ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion Act o TRAIN Law. Nagresulta man sa mas mababang income tax ang nasabing batas para sa nakararaming empleyado at nakalilikom ng malaking pondo para sa mga proyekto ng gobyerno, tinamaan naman nang todo iyong mga walang kakayahan o exempted sa pagbabayad ng buwis. Dahil sa pagtaas ng buwis sa produktong petrolyo, patuloy rin sa pagtaas ang presyo ng lahat ng pangunahing bilihin.
Kung susumahin, may ‘plus’ at ‘minus’ ang administrasyong Duterte. Ganoon naman talaga ang sistema ng pamamahala. May natutuwa, may nabubuwisit. Parang emoji lang sa Facebook, puwedeng ‘like’ o ‘dislike.’ Ang dasal lang natin, huwag naman mauwi sa ‘cry’ o ‘angry’ lang ang pagpipiliang emoji sa pang-araw-araw na buhay natin.
PINGKIAN
ni Ruben Manahan III