Monday , December 23 2024
Pingkian LOGO Ruben Manahan III copy
Pingkian LOGO Ruben Manahan III

Gera sa Mindanao tatapusin ng BBL?

HABANG abala ang lahat sa pakikipag-debate tungkol sa samot-saring isyung hinaharap ngayon ng bayan, isang napakahalagang isyu ang hindi masyadong napagtutuunan ng pansin: ang Bangsamoro Basic Law o BBL. Bakit nga naman pag-aaksayahan ito ng panahon ng mga taga-Luzon at Visayas, e, ‘di ba problema lang ito ng mga taga-Mindanao? Malayo sa bituka, ‘ika nga. Kaya nga tila walang pumapansin habang niraratsada ng Kongreso nitong mga nakaraang linggo ang deliberasyon para maipasa ang BBL bilang batas.

Madugo ang mga talakayan ng mga senador at kongresman sa nasabing panukalang batas. Akala nga natin ay magtatapos ito sa deadlock. Pero may kasabihan nga ang matatanda: sa hinaba-haba man ng prusisyon, sa simbahan din ang tuloy.

Bukas, 17 Hulyo 2018, ipapasa na ng Senado at Kamara de Representantes kay Pangulong Duterte ang pinag-isang bersiyon ng panukalang batas. Kailangan daw kasi ang go-signal at su­porta ng Pangulo para masigurong maaapro­bahan ito ng dalawang kapulungan ng Kongres­o.

Ang plano nila, aprobahan ang batas at pirmahan ng Pangulo bago simulan ang State of the Nation Address (SONA) sa 23 Hulyo. Layon ng BBL na palawakin ang lugar na nasasakupan ng Autonomous Region of Muslim Mindanao (ARMM) at bigyan ng sapat na kapangyarihan ang mga Bangsamoro para paunlarin ang kanilang mga komunidad batay sa kanilang relihiyon at kultura.

Kabilang sa maisasama sa bagong rehiyon ang anim na bayan ng Lanao del Norte at 39 barangay ng North Cotabato. Inaasahan natin na napag-aralan nang husto ng ating mambabatas ang mga sensitibong aspekto ng BBL, partikular rito ang hatian ng buwis sa pagitan ng national government at ng Bangsamoro region. Umaasa rin tayo na magiging katanggap-tanggap ang pinal na bersiyon ng BBL sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) at iba pang rebeldeng grupo sa Mindanao.

Kung hindi kasi katanggap-tanggap sa mga Bangsamoro ang bersiyon na ipapasa ng Kongreso, masasayang lang ang halos 17 taon na negosasyon sa pagitan ng pamahalaan at MILF. Ang BBL ay produkto ng negosasyong ito na nagresulta sa pirmahan ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro o CAB.

Nagsimula ang negosasyon sa panahon pa ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Marami ang naniniwala na ang BBL ang huling baraha ng pamahalaan para matapos ang gera sa ilang parte ng Mindanao. Ganito rin ang pagtingin maging ng liderato ng MILF. Inamin nila na kung hindi matatanggap ng mga Bangsamoro ang pinal na bersiyon ng BBL, maaaring mabawasan ang kanilang impluwensiya sa mga kapatid nating Muslim. Maaari rin umanong lubos na mawalan ng tiwala ang mga Bangsamoro sa pamahalaan.

Ang kawalan ng tiwala sa pamahalaan ang isa sa dahilan kung bakit nahihikayat ang mga kabataang Muslim sa mga radikal na paksiyon ng rebedeng grupo sa Mindanao. Ito ang sinasabing dahilan kung bakit marami ang sumama sa mga Maute nang salakayin nila ang Marawi mahigit isang taon na ang nakakaraan.

Kailangang makita ng mga kabataang Muslim na may saysay ang negosasyon at maaaring mapabuti ang kanilang kalagayan sa pamamagitan ng mabuting pamamahala. Ang  Bangsamoro Basic Law ang magiging batayan nila kung dapat pa ba silang humawak ng armas o ipagpapatuloy na lamang nila ang pag-aaral para maging mabuting lider sa kanilang komunidad.

Nasa kamay ni Pangulong Duterte at ng ating mga mambabatas ang susi para tuluyan nang wakasan ang gera at kahirapan sa Mindanao. Gamitin sana nila ito para mabuksan ang pinto para sa magandang bukas, hindi lamang para sa Bangsamoro kundi para sa lahat ng mamamayang Filipino.

E, ano nga pakialam ng isang taga-Metro Manila sa iyung ito? Naaalala ko pa ang sabi ng Nanay ko: ang sakit ng kalingkikan, sakit ng buong katawan.

PINGKIAN
ni Ruben Manahan III

About Ruben III Manahan

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *