ISANG magaling na directorsi Maryo J. Delos Reyes. Nagsimula rin naman siya sa theater. Naging resident director din siya noon ng isang theater group sa natatandaan namin. Pero iba ang ugali ni direk Maryo e, wholesome ang kanyang dating. Lagi siyang nakangiti, laging tumatawa, at kahit na kung minsan ang mga artista niya ay nagkakamali, matiyaga siyang turuan sila at ulitin ang eksena. Iyon siguro ang dahilan kung bakit maraming mga baguhang natutong umarte at sumikat dahil sa kanya.
Siguro mas nakilala rin si direk Maryo sa paggawa ng mga youth oriented movie. Nagsimula iyan nang gawin niya, para sa Agrix Films noon iyong pelikulang High School Circa ’65. Noong panahong iyon si Charo Santos na napakabata pa ang leading lady. Leading man niya si Eddie Rodriguez. Panahon pa iyon nina Maribel Aunor at Arnold Gamboa. Teenager pa rin si Roderick Paulate.
Ginawa rin ni direk Maryo ang isa pang youth oriented film, ang musical na Annie Batungbakal na bida si Nora Aunor at ang baguhang si Lloyd Samartino. Iyon ay naging isang malaking hit na nakatulong nang malaki para maibalik sa dating estado ang medyo tumatagilid na career ni Nora. Doon din sumikat nang husto si Samartino. Pero hindi tumigil si direk, dahil naniniwala siyang may mailalabas pa si Lloyd bilang isang actor. Mabilis niyang sinundan iyon ng Gabun, at kinilala na ngang isang actor si Lloyd.
Hindi na baguhan talaga si Aga Muhlach. Bilang isang child actor ay nakagawa na siya ng pelikula, iyong May Isang Tsuper ng Taxi, Ang Babaing Hiwalay sa Asawa, at iyong Agila. Pero bilang isang child actor, hindi siya sumikat na kagaya ng pinsan niyang si Nino.
Nagbalik si Aga bilang teenager sa Bagets, na ginawa ni direk Maryo. Nakita ni direk ang hilig ni Aga sa sayaw, kaya talagang binigyan niya ng mahabang dance sequence si Aga. Lumabas na si Aga ang pinakamalaking star sa batch na iyon. Siya rin ang itinuring na phenomenal star noong panahon niya. First time na sinasabi nilang may isang artistang lalaki na umabot na superstar level.
Nag-drama rin naman si Aga, at naging challenge iyon kay direk Maryo dahil naniniwala siyang may mailalabas pa iyon bilang isang actor. Iginawa ni direk Maryo ng una niyang adult themed film si Aga, iyong Sinungaling Mong Puso, katambal ang star for all seasons na si Vilma Santos. Naging best actor si Aga sa nasabing pelikula.
Maraming napasikat na mga artista si Maryo J, na kung iisa-isahin natin, baka maging serye ang labas nitong column namin. Ang maganda kasi kay direk Maryo, naniniwala siya sa pagbibigay ng break sa mga baguhan, at kahit na sa mga datihang artista na sa tingin niya ay hindi nagkaroon ng pagkakataong patunayan na sila ay isang mahusay na artista.
Ang dami pa sanang kasunod. Noong mag-Christmas party sila last year, marami pang sinasabi si direk na naniniwala siyang may potential para maging big stars. Kaso biglang binawi sa atin si direk noong Sabado ng gabi, January 27. Inatake siya sa puso, hindi niya nakayanan at bumigay na ang kanyang buhay.
Nakahihinayang na ang mga ganyang tao na kaila-ngang-kailangan pa naman sa industriya ang siya pa namang mabilis na nawawala. Masama lang sabihin na sana iba na lang ang kinuha, marami naman diyan. Pero wala tayong magagawa, siguro hanggang doon na lang talaga ang kanyang buhay. Pero sa edad na 65, napakabata pa niya para magpaalam.
HATAWAN
ni Ed de Leon