NAGPAHAYAG ng pangamba ang isang malaking business group na hilaw pa sa karanasang makatutulong sa pagtatrabaho ang ilang magtatapos sa K-12 program, ang pinalawig na basic education system ng Department of Education (DepEd).
Ayon sa Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI), tila kulang pa ang 80 oras o dalawang linggo lang na minimum requirement para sa on-the-job training (OJT) ng unang batch ng K-12 students na magtatapos sa Marso.
Sa ilalim ng K-12, pinahaba ang basic education system mula 10 taon hanggang sa 12 taon. Ang mga magtatapos ng senior high school ay edad 18 na at maaaring tumuloy ng kolehiyo o kaya ay maghanap na ng trabaho.
Sinabi ni Alberto Fenix, presidente ng Human Resource Development Foundation ng PCCI, baka mahirapang makapasok ng trabaho ang tinatayang daan-daang libong magtatapos sa K-12 kung 80 oras lang ang kanilang naging OJT.
Sa kabilang dako, pinag-aaralan ng DepEd ang suhestiyon ng PCCI para matiyak na sapat ang karanasan ng estudyanteng gustong magtrabaho pagka-graduate ng K-12.
Ngunit binigyang diin ni DepEd Undersecretary Tonisito Umali, nabuo ang curriculum ng K-12 sa pakikipag-ugnayan sa Commission on Higher Education at Technical Education and Skills Development Authority kaya maituturing itong kompletong pagsasanay sa mga estudyante kung nanaisin nilang hindi tumuloy sa kolehiyo.
Dagdag ni Umali, hindi puwedeng panay OJT lang ang gawin ng mga estudyante sa Grades 11 to 12 o senior high school dahil kailangan ding mabalanse ang kanilang oras sa iba pang asignatura.
Kompiyansa si Umali na handa nang magtrabaho ang K-12 graduates ngayong taon.
(ROWENA DELLOMAS HUGO)