ISANG 61-anyos dating editor at kasalukuyang kolumnista at media consultant ang nakatanggap ng pagbabanta sa kanyang buhay sa pamamagitan ng short messaging services (SMS) o text messages makaraang lumabas ang kanyang kolum na kritikal sa isang opisyal ng pamahalaan.
Sa pangambang may mangyari sa kanyang buhay, kahapon, dakong tanghali, nagdesisyon si Mateo A. Vicencio, beteranong mamamahayag, dating editor at kasalukuyang editorial consultant at kolumnista ng HATAW D’yaryo ng Bayan, na ipatala sa Criminal Investigation and Detective Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD) sa Kampo Karingal ang natanggap na pagbabanta sa kanyang buhay.
Sa kanyang ipinatalang insidente ng pagbabanta sa kanyang buhay (death threat), sinabi ni Vicencio, matapos lumabas sa pahayagang ito ang kanyang kolum na Sipat na kritikal kay Undersecretary Joel Egco ng Presidential Task Force on Media Safety (PTFoMS), dalawang tabloid reporters ang nagpaabot sa kanya ng impormasyon na pinaghahanap at tila tinitiktikan siya ni Egco.
“Matapos lumabas ang mga kolum sa HATAW, dalawang reporter ng tabloid ang nagbabala sa akin na hinahanap daw ako ni Usec Egco, at inaalam kung saan ako naglalagi,” pahayag ni Vicencio sa kanyang nilagdaang narrative of incident.
Hindi ito pinansin ni Vicencio, dahil naniniwala siya na bilang dating reporter, nais lamang ni Egco na makausap siya para mailahad ang kanyang panig.
Gayonman, ang pagtatanong ni Egco sa nasabing tabloid reporters ukol sa mga pinupuntahang lugar ni Vicencio ay tila naging paniniktik lalo nang makatanggap ng pagbabanta sa buhay ang beteranong mamamahayag.
Kamakalawa, 22 Nobyembre 2017, dakong 5:59 pm, sinabi ni Vicencio na nakatanggap siya ng text message mula sa numerong 09396540763 na nagbabantang, “Hindi ka aabot ng pasko. Itutumba ka namin gago ka itigil mo banat sa akin.”
Bago matanggap ang death threat sa text message, tinalakay ni Vicencio ang insidente ng pagpaslang sa broadcaster na si Christopher Ivan Lozada na nauna nang humingi ng tulong sa PTFoMS na pinamumunuan ni Egco.
Si Lozada, ang ikalimang mamamahayag na napaslang sa administrasyon ni Duterte.
Pero ayon kay Egco, bago pa dumating ang sulat nila kay Bislig Mayor Librado Navarro, ay tinambangan na si Lozada na kanyang ikinamatay.
Pinuna rin ni Vicencio ang sandamakmak na security personnel ni Egco na laging nakapalibot sa kanya kahit sa panahon ng kanyang paninigarilyo.
Sa kabila ng pagiging kritikal ni Vicencio kay Egco bilang pinuno ng PTFoMS, hindi nakatanggap ng paglilinaw ang kolumnista mula sa government official.
Sa halip, paniniktik at pagbabanta ang ipinaabot sa kanya.
Ayon kay Vicencio, “Nangangamba ako para sa aking buhay at seguridad, hinihinala ko na ang bantang ito ay galing kay Usec Egco o kaya ay kanyang mga kasamahan.”
Noong Nobyembre 1994, si Vicencio ang radio reporter na naka-scoop sa double kidnap and murder case.
Matatandaang nadakip ang mga kumidnap at pumatay kay dating human rights lawyer at national president ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) Eugene Tan at sa kanyang driver na si Eddie Constantino nang mahalungkat ng isang radio reporter ang police blotter sa Intelligence Unit ng Western Police District (WPD).
Si Vicencio, ang dating radio reporter ng dwIZ, na nakaugaliang magbasa ng police blotter ang nakatisod ng impormasyon tungkol sa reklamo ng isang Patricia Lim laban sa pagbabanta umano ng isang abogado sa kanilang buhay.
Nag-iwan ng telepono si Lim sa police blotter kaya natawagan siya ni Vicencio hanggang maiugnay ang reklamo sa pagkidnap at pagpaslang kay Tan at sa kanyang driver.
Dahil sa pagkakalutas ng nasabing krimen, si Vicencio ay nailathala sa Editorial at naitampok na lathalain ng Philippine Daily Inquirer.