BINATI ni Senate President Aquilino “Koko” Pimentel III nitong Martes ang lahat ng pamahalaang lokal na tumanggap ng Seal of Good Local Governance para sa taong 2017 mula sa Department of the Interior and Local Government’s (DILG).
May 448 local government units o LGUs ang tumanggap ng nasabing award, malaking pag-angat mula sa 306 pinarangalan noong nakaraang taon.
“Ang pag-angat sa bilang ng pinarangalan ay magandang senyales habang naghahanda tayo patungo sa Federalismo. Sa malalakas at may kakayahang LGUs ay nangangahulugang maaga nating matatamo ang benepisyo ng Federalismo,” diin ni Pimentel.
Natamo ng 28 probinsiya, 61 lungsod, at 359 munisipalidad ang istandard para sa Seal of Good Local Governance na ang pinakamarami ay mula sa Rehiyon I na 68 ang pinarangalan.
Para makatanggap ng Seal, dapat makuha ng LGU ang istandard sa apat na pangunahing larangan (pangangasiwang pinansiyal; kahandaan sa kalamidad; pangangalagang panlipunan; at kapayapaan at kaayusan).
Dapat din nakatugon ang LGUs sa istandard ng isa sa tatlong mahalagang larangan (mabuting pakikitungo sa pagnenegosyo at pakikipagkompetensiya; turismo, kultura at sining; at pangangalaga sa kapaligiran).
Bawat pinarangalan ay tumanggap ng marker na maaaring ilagay sa kapitolyong panlalawigan, bulwagang panglungsod at munisipyo at maaaring makakuha sa Performance Challenge Fund, isang pondong magagamit para suportahan ang mga lokal na proyekto sa pagpapaunlad.
Ginagabayan ang Seal of Good Local Governance ng mga probisyon ng Republic Act 7160 o Local Government Code of 1991, General Appropriations Act of 2017 at Administrative Order No. 267 of 1992.
Si Pimentel, ay anak ni dating Senate President Aquilino “Nene” Pimentel, ang awtor ng Local Government Code, na nagtataguyod sa Federalismo at dagdag na awtonomiya sa mga LGU.
Ang Pangulo ng Senado ang may akda ng Senate Bill No. 110 o “Bigger Pie, Bigger Slice Law” na magbibigay ng dagdag na pagkukuhaan ng LGUs kabilang ang koleksiyon ng Bureau of Customs mula sa mga pondong nakalaan sa kanila para lumaki ang kanilang bahagi mula 40% sa 50%.
Ani Pimentel, “Ang mga LGU ang sangay ng pamahalaan na malapit at laging nakikita ng ating mamamayan.
Mayroon dapat silang pagkuhaan at kakayahan na magkaloob ng mabilisang solusyon sa mga problemang nakaaapekto sa kanilang nasasakupan.”