KINASUHAN ng Manila Police District (MPD) ang ilang demonstrador dahil sa kinahantungan ng protesta sa T.M. Kalaw Avenue sa Maynila nitong Linggo, 12 Nobyembre.
Ayon kay MPD spokesperson, Supt. Erwin Margalejo, sinampahan nila ng kaso sa Manila Prosecutor’s Office sina Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) Secretary General Renato Reyes, dating Bayan Muna Rep. Teddy Casiño at ang isang demonstrador na si Neil Legaspi.
Nahaharap ang mga kinasuhan sa reklamong illegal public assembly, breach of peace, assault upon an agent of authority at disobedience.
Tinangka umano ng mga demonstrador nitong Linggo na buwagin ang barikada ng mga pulis para makalapit sa US Embassy at sa pinagdarausan ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit.
Nagkaroon ng gulo sa nasabing rally at marami ang nasaktan.
Balak din ng MPD na kasuhan ang mga pinuno ng mga grupong nagdaos ng protesta nitong Lunes, 12 Nobyembre, sa bahagi ng Taft Avenue at Padre Faura.
Samantala, pinag-aaralan ng panig ng mga demonstrador ang pagsampa ng kaso sa mga pulis sa paggamit nila ng “sonic weapon” na Long Range Acoustic Device (LRAD) nitong Lunes.
Ayon kay Renato Reyes nitong Martes, 14 Nobyembre, iginiit niyang delikado ang paggamit sa Long Range Acoustic Device (LRAD) o sonic weapon dahil nagdudulot ito ng pinsala sa pandinig.
“Ito’y napakatining na tunog, high-pitched at masakit sa tainga. Tatama ito hindi lang sa nagra-rally, pati sa mga bystander. Delikadong equipment ito,” ani Reyes.
Itinanggi ito ni Chief Supt. Oscar Albayalde, pinuno ng National Capital Region Police Office.
“Ang LRAD po ay non-fatal iyan, wala pong harmful effect… Ginagamit po iyan talaga kapag hindi mo na talaga makontrol ang mga raliyista kagaya kahapon,” ani Albayalde.