HINARANG ng mga pulis sa Bacnotan, La Union ang isang 10-wheeler truck na may kargang 500 sako ng white sand bandang 10:00 ng umaga nitong Sabado.
Walang maipakitang pass card at kahit anong permit ang driver ng truck na mula sa Pasuquin, Ilocos Norte.
Ayon sa driver na kinilalang si Johnny Pascual, napag-utusan lamang siyang dalhin ang truck sa Novaliches, Quezon City.
“Kung alam ko lang na bawal, hindi ko ikakarga ‘yung mga white sand, inarkila lang naman kami,” depensa ni Pascual.
Ininspeksiyon ng Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO) ang truck at nakompirmang white sand ang laman ng mga sako.
Ayon kay John Anthony Dacanay ng PENRO, paglabag ito sa Batas Pambansa 265 o An Act Prohibiting the Extraction of Gravel and Sand from Beaches and Providing Penalties Therefor.
“Kapag kumuha ng sand sa dagat, bababa ‘yung level ng dagat at posibleng magkaroon ng flooding sa coastal areas.” paliwanag ni Dacanay.
Nasa kustodiya ng PENRO sa La Union ang truck habang pansamantalang pinalaya si Pascual.
Magkakaroon ng seizure hearing sa 13 Nobyembre 2017 at ipatatawag din ang mga may-ari ng truck.