INIUTOS ni PNP chief, Director General Ronald dela Rosa ang pagsasampa ng kasong administratibo laban sa dalawang pulis na nagsilbing security escorts ng mga anak na babae ni convicted drug queen Yu Yuk Lai.
“We will be filing administrative case against dito sa dalawang pulis,” ayon kay Dela Rosa, tumutukoy kina PO3 Walter Vidad at PO2 Faizal Sawadjaan, kapwa miyembro ng PNP-Police Security Protection Group (PSPG).
Aniya, ang dalawa ay sasampahan ng kasong administratibo bunsod nang hindi pag-abiso sa kanilang superiors na nagbibigay sila ng proteksiyon sa mga anak ng convict.
“The problem is higher authorities ng PSPG blind talaga na anak ni Yu Yuk Lai iyan dahil ang dalawa hindi nagre-report. Alam nila na si Diane [Uy] pala ay anak ni Yu Yuk Lai, sumasama pa sila kapag bumibisita sa Women’s Correctional, si Diane sa kanyang mother,” pahayag ni Dela Rosa, idinagdag na titiyakin niyang masisibak sa serbisyo ang dalawang pulis.
“They are administratively liable for serious neglect of duty and for that sisiguruhin ko talaga na matatanggal sa serbisyo itong mga pulis na ito,” aniya pa.
Samantala, iniutos ni Dela Rosa ang pag-recall sa lahat ng naka-deploy na PSPG personnel upang ma-review ng unit ang kanilang assignment.
“Because of this experience we will be more careful, more strict, and maniniguro kami na ‘yung mabibigyan ng security detail ay talagang malinis na tao. Hindi involved sa krimen,” aniya.