KINOMPIRMA ng Palasyo ang pahayag ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na patay na ang dalawang lider-terorista na sina Ismilon Hapilon at Omas Maute.
‘Yan ay ayon umano mismo kay AFP chief of staff Eduardo Año.
Bukod sa pagkamatay ng dalawa, ipinagmalaki rin ni Año na isang dalawang-buwang gulang na sanggol ang kanilang nasagip, kasama ang kanyang ina at 16 iba pa na tila ginagamit na kalasag ng mga terorista.
Sa ulat, lubos daw na nagagalak ang palasyo dahil napatahimik na ang mga tinatawag na lider ng terrorists group na Islamic State sa Southeast Asian nations.
‘Yan ay matapos magbigay ng deadline ang AFP na wawakasan na nila ang kaguluhan sa Marawi sa 16 Oktubre 2017.
At mukhang hindi naman sila nagkamali.
Paggising ng sambayanang Filipino kahapon ng umaga, mukha ni Hapilon ang makikita sa TV screen at mga pangalan nila ni Omar Maute ang paulit-ulit na binabanggitsa radyo.
Kasunod nga kaya nito’y katahimikan na sa Marawi?!
Ipagdasal po natin na ‘yan na nga ang kasunod. Alam po nating hindi biro ang pinagdaanan ng mga taga-Marawi mula pa noong ideklara ng Palasyo ang giyera kontra droga at terorismo.
Ilang sundalo at sibilyan ang namatay?! Ilang bata at kabataan ang nagutom at nahinto sa pag-aaral?! Ilang magulang ang nawalan ng anak?! Ilang asawa ang nabalo at pinapasan mag-isa ang pagpapayabong at pagpapatatag ng kanilang pamilya?!
Marami sila. Marami silang mga sugatan. Habang ang iba’y walang tigil sa pagbibigay ng kuro-kuro at mas marami ang haka-haka tungkol sa nagaganap sa Marawi, hindi man lang nila naisip na mayroong mga sibilyan, babae, bata, at matanda ang hindi alam kung saan susuling habang nagbabakbakan ang mga terorista at tropa ng gobyerno.
Mabuti na lamang at sa kabila ng panganib, gulo at nakatatakot na putukan, hindi sila nawalan ng pag-asa at lalong hindi nagduda sa kanilang pananampalataya kay Allah.
Sa mga susunod na araw, pansinin natin na sila ay unti-unti maglilinis ng kanilang kapaligiran upang muling maitayo ang kanilang mga bahay kasabay ng muling pagbubuo ng kanilang komunidad.
Sana’y maging tuloy-tuloy na ang recovery ng mga taga-Marawi City.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com