PINUPUNTIRYA ng Pasig River Rehabilitation Commission (PRRC) na tuluyang buhayin at maibalik sa dating kagandahan ang Ilog Pasig pagsapit ng taong 2032.
Sa ginanap na consultation workshop na pinangunahan ng PRRC at University of the Philippines Planning and Development Research Foundation, Inc. (UP PLANADES), nabatid na lubusang matatamo ng nasabing ahensiya ang kanilang misyon at adhikain 15 taon mula ngayon.
“Ang consultation workshop sa iba’t ibang leader ng member agencies ng PRRC ay bumubuo sa bahagi ng mga serye ng pagpaplano upang maisagawa ang 2017-2032 Pasig River System Integrated and Strategic Master Plan o PRISM,” paliwanag ni PRRC Executive Director Jose Antonio “Ka Pepeton” Goitia.
Ibinahagi rin ng opisyal na ilan lamang ito sa mga panukalang banghay para sa restoras-yon ng Ilog Pasig nang magtipon-tipon kamakailan ang mga ahensiya sa School of Urban and Regional Planning (SURP) sa UP-Diliman sa Quezon City.
“Kapag kasi sinabing PRRC master plan ito, nangangahulugan na lahat ng mga concerned national agencies, private agencies at local government unit ay nararapat magtulong-tulong at magkaisa upang maikasa ang mga plano para sa restorasyon ng Ilog Pasig,” diin ni Goitia na Presidente rin ng PDP-Laban San Juan City Council.
Kabilang sa nagsidalo ang mga kinatawan mula sa Office of the President-ODESGA, MMDA, DOTr, DPWH, DENR, LLDA, NHA, PCG, LGU-Caloocan, LGU-Makati, LGU-Parañaque, LGU-Pasay, LGU-San Juan, LGU-Taguig, LGU-Antipolo, LGU-Taytay, Manila Water, Maynilad, SCPW at ABS-CBN Lingkod Kapamilya Foundation.
Bilang pagtugon sa atas ni Pangulong Rodrigo Duterte, sadyang may masidhing kagustuhang maibalik ang kagandahan ng Ilog Pasig, pinili ng PRRC bids and awards committee ang UP Planades hindi dahil may pinakamababang bid sila kundi dulot ng malawak nilang technical expertise at karanasan.
“Naniniwala kami na pagsapit ng 2032, ligtas na ang Ilog Pasig para sa pangingisda at iba pang recreational activities ng taumbayan,” dagdag ni Goitia.