LUBOS na sinuportahan ni Pasig River Rehabilitation Commission (PRRC) Executive Director Jose Antonio “Ka Pepeton” Goitia ang kampanya ng Greenpeace Philippines para lubusang mabawasan kung hindi man matigil ang pagtatapon ng plastik at katulad ng basura sa mga ilog, lawa, sapa, estero at iba pang lawas-tubig na nagdidiretso sa mga karagatan ng buong bansa.
Nagsagawa ng bout tour kamakailan ang opisyales ng PRRC at Greenpeace at nakita nila ang tambak ng basurang plastic mula sa San Juan River na nagtutuloy naman sa Pasig River. Isinadokumento rin nila kung paano naman nagdidiretso ang lahat ng klase ng basura patungo sa Manila Bay.
Kabilang ang Pasig River sa mga ilog sa buong mundo na nagtatapon ng tinataya ng Greenpeace na 63,700 tonelada ng basurang gawa sa plastik sa karagatan kaya pinaigting nito ang kampanya lalo sa mga paketeng minsan lang ginagamit.
Ayon kay Goitia, pangunahing natukoy ang San Juan River na pinagmumulan ng mga basurang plastic kaya pinalalakas niya ngayon ang pinamumunuan na PDP-Laban San Juan City Council upang maipaunawa sa lahat ng barangay na dapat nang mamulat ang mamamayan sa hindi pagtatapon ng anumang basura sa nasabing ilog.
“Nakatira ako sa San Juan kaya nakikita ko ang araw-araw na parusa ng nakalalasong polusyon. Makikita mo ang bula mula sa methane gas na nagmumula sa ilog,” sabi ni Goitia. “Natatakot ako hindi lamang para sa aking kalusugan kundi para sa aking pamilya at sa aking komunidad kaya determinado akong pangunahan ang rehabilitasyon ng San Juan River sa pamamagitan ng PRRC.”
Sinimulan na ni Goitia at ng kanyang masisipag na tauhan sa PRRC ang paglilinis sa mga tributaryo ng San Juan River tulad ng mga sapa at estero at inisyatiba ng ahensiya ang San Juan River Dredging Project na naglalayong mapalalim ang ilog sa pag-alis sa lahat ng basura, putik, latak at iba pang kontaminasyon sa ilalim nito.
“Kapag nagtagumpay tayong linisin ang San Juan River, magtatagumpay rin tayong linisin ang Pasig River,” dagdag ni Goitia.