HINDI lahat ng nakaposisyon ay tamang tao.
O puwede rin sabihin, may tamang tao na naipuwesto sa hindi angkop na posisyon.
Pero ang pinakamasama, hindi na tama ‘yung tao, nabigyan pa ng puwesto.
Alin man diyan sa tatlong sitwasyon na ‘yan ay puwedeng ihalintulad sa nangyari kay Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) Chairman Martin Diño.
Hindi makatarungang sabihin na hindi angkop si Chairman Diño sa kanyang trabaho sa SBMA.
Baka mas tumpak sabihin na may mga taong hindi masaya sa pagkakapuwesto ni Diño sa SBMA.
Ano man ang rason kung bakit tuluyang inalis sa isang ‘kontamindaong’ kapaligiran si Diño, ang Palasyo lang ang nakaaalam.
Puwedeng ayaw ng Malacañang na mabalam sa paglilinis na kanilang gagawin sa mga ahensiyang kontaminado ng droga at katiwalian.
O sapat na ang impormasyon na nakuha ng Palasyo para matukoy kung sino-sino ang mga lason sa administrasyon.
O kaya naman, naliliitan ang Palasyo sa puwestong naibigay kay Diño.
Ang balita natin, plantsado na ang isang mahalagang puwesto na malaki ang magagawa ni Diño para tulungan ang Pangulo sa konsolidasyon ng puwersa ng kanilang partido.
Huwag kalimutan ng mga pumapalakpak ang tenga, bukod sa mahusay, tuso si Digong sa Ajedrez.