MATAGAL nang nakilala si Justin Abejar sa telebisyion bilang ka-look-alike ni Jed Madela mula nang nagkaroon siya ng exposure sa It’s Showtime Ka-look-Alike Contest. Ayon sa kanya, dito nagkaroon ng push sa hilig niya sa pagkanta na nagsimula noong bata pa siya.
Inamin ni Justin na almost perfect ang pagiging look-alike niya sa WCOPA grand winner na paborito niya talagang mang-aawit.
“Mahirap talaga siyang gayahin lalo sa boses, pero nang napasali ako sa It’s Showtime, siyempre ibang usapan na ‘yun, kailangan ko talaga i-practice ‘yung boses ni Jed to the point na nag-hire ako ng voice coach para sa contest. Heto ang simula kung bakit madalas na akong nakikitang kumakanta sa iba’t ibang events.”
Katatapos ganapin ang kanyang Justin @30, A Birthday Concert sa Music Box, Timog na sobrang sinuportahan ng kanyang mga kaibigan, relatives, at ka-batch noon sa It’s Showtime Ka-Look-Alike. “Second time ko ito sa Music Box, ‘yung una ay Ultimate 80s Concert under ni Direk Vergel Sto. Domingo at siya rin ang nag-direk nitong birthday concert ko.”
Sa ngayon ay nagtutulungan sila ni Direk Vergel para sa unang album ni Justin at habang naghihintay ay pakanta-kanta muna siya sa events na ginagamit ang kanyang tunay na pangalan.
“Malaki ang pagpapasalamat ko na naging kamukha ako ni Jed Madela at pati ang bo-ses ay nagagaya ko na rin, pero iba talaga ang kanyang boses. Salamat dahil siya ang naging instrumento para makapasok ako sa entertainment world at inaamin ko na marami pa akong kakaining bigas para maging katulad niya,” pahayag ni Justin.
Nasa Papua New Guinie si Jed noong birthday concert ni Justin kaya hindi siya naging guest dito, pero inamin ni Justin na isang major dream na maka-back-to-back ang una sa isang concert. Matatandaang si Jed ang kauna-unahan nating sumikat nang husto bilang Champion of World of Performing Arts (WCOPA) kaya isa na sa kanyang mga plano ang sumali sa nasabing international competition.
ALAM MO NA!
ni Nonie V. Nicasio