Monday , December 23 2024

Ipagbawal na ang fraternity

MINSAN pang napatunayan sa pagkamatay ng batam-batang law student sa University of Sto. Tomas (UST) na si Horacio Tomas “Atio” Castillo III na ang fraternity ay dapat ipagbawal.

Ilang beses na rin napatunayan na hindi epektibo ang pagkakapasa ng Anti-Hazing Law of 1995 na ipinagmamalaki ni dating senador Joey Lina laban sa malulupit at nakamamatay na ‘initiations’ sa mga fraternity na maging sa Philippine Military Academy (PMA) at Philippine National Police Academy (PNPA) ay patuloy na nangyayari.

Kaya itinatatag ang anomang samahan ay para sa pagsusulong ng mabuti at hindi ng masamang layunin.

Ang fraternity na nagmamaskarang brotherhood o kapatiran ay nauuwi lang sa masasamang layunin na walang ipinagkaiba sa OXO, Sputnik, Sige-Sige Commando, Batang City Jail at mga samahang tulad sa sindikatong Mafia.

Isa sa masamang ibinubunga ng fraternity ang pagkabulok ng ating pamahalaan at justice system sa bansa.

Nauuwi sa kampi-kampihan kaya nababaluktot ang katarungan at pamamalakad sa pamahalaan, lalo’t ang matataas na pinuno sa bansa ay may kinaaanibang fraternity.

Halimbawa na ang nabaon sa limot at kaso ng mga dating opisyal ng Bureau of Immigration (BI) na sangkot sa robbery-extortion kay Jack Lam, na bale ba ay inimbestigahan pa mandin ng Senado.

Sa maraming pagkakataon, imbes matamo ang katarungan ay mismong mga biktima pa ng hazing ang pinalilitaw na masama dahil pinagkakaisahan.

Tulad na lamang sa sinapit ng tatlong kadete sa kamay ng kanilang upper classmen sa PNPA noong 1996.

Ang mga biktimang kadete pa ang sinipa sa PNPA dahil daw sa paglabag sa “code of silence” katulad ng sinusunod na “Omerta” ng sindikatong Mafia na tumatangging magbigay ng ebidensiya sa mga awtoridad.

Sabi ni noo’y DILG Sec. Alfredo Lim, “Sila ang biktima ng hazing at maltreatment pero sila pa ang sinibak sa akademya kaya malinaw na gross injustice ito kaya dapat lamang silang maibalik sa PNPA at maging upperclassmen upang maka-graduate sila sa 2001.”

Subalit laking gulat ng mga kadete nang makatanggap sila ng memorandum nang sumunod na taon mula sa board na dinidismis sila dahil sa maraming absences sa non-academic training. Umapela sila sa PPSC at PNPA pero dinismis din sila dahil sa pagiging AWOL.

Si Lim ang nakaupong kalihim noon ng Department of Interior and Local Government (DILG) at nag-imbestiga sa insidente na ikinasawi ng dalawang kadete ng PNPA Class 2001.

Nang walang gustong umamin at magtapat kung sino-sino ang may kinalaman sa naganap na insidente, inatasan ni Lim ang superintendent ng PNPA noon na bigyan ng kapirasong papel ang mga kadete at isulat ang pangalan ng mga sangkot sa hazing kung natatakot silang ituro ang mga salarin.

Nakiusap umano ang mga kadete at isang oras ang ibinigay sa kanila upang makapag-usap bago sulatan ang ibinigay na papel sa kanila.

Pero makalipas ang itinakdang oras, isinumite ang hawak nilang papel pero pawang blanko at walang nakasulat.

Ipinasiya ni noon ay DILG Sec. Lim na irekomendang madismis ang 70 kadete sa PNPA.

Noong 2001, inirekomenda ni Lim ang dismissal ng 70 kadete na sangkot sa hazing.

Ang masaklap, nang maluklok si dating senador at naging Laguna governor na si Joey Lina sa DILG ay ibinalik niya pala ang mga nadismis na kadete.

Kaya mas mabuti na tuluyang ipagbawal na lang ang fraternity.

(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])

KALAMPAG
ni Percy Lapid



About Percy Lapid

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *