Pormal na ilulunsad ng Pasig River Rehabilitation Commission (PRRC) ang kanilang bagong bayaning si River Warrior na sumisimbolo sa lahat ng mga adhikain at adbokasiya ng nasabing ahensiya sa darating na 28 Setyembre 2017 sa Makati Sports Club, Makati City.
Ayon kay PRRC Executive Director Jose Antonio “Ka Pepe-ton” Goitia, isang magandang handog ito para sa lahat ng Filipino ang pamamahagi ng lib-reng kopya ng pakikipagsapalaran ni River Warrior lalo’t kagagaling lamang ng kanilang delegasyon sa matagumpay na pakikipaglaban sa prestihi-yosong 20th Thiess International Riverprize award sa Brisbane, Australia na pumuwesto ang PRRC bilang 1st Runnerup.
“Isang paraan namin ito upang higit pang maitaas ang kamalayan ng mga Filipino sa pagbibigay ng halaga, panga-ngalaga at pagmamahal sa ating Ilog Pasig. Sa pamamagitan ng komiks ni River Warrior, higit nating mahihikayat ang mamamayan na igalang ang kalikasan,” masayang sinabi ng PRRC head.
Idinagdag ni Goitia na si River Warrior ang magsisilbing imahe at mascot ng ahensiya upang mapangalagaan ang kapakanan ng Ilog Pasig gayondin ang kapaligiran at kalikasan sa buong bansa.
“Ipakikita ni River Warrior na kaya niyang lupigin ang masama at maruming puwersa ni Bruno Basura kasama ang alalay nitong si Kikay Kalat pati na rin ang Mikrobyo Gang. Si River Warrior ang tagapagligtas at pangunahing tagapagtanggol ng Ilog Pasig. Siya rin ang magsisilbing simbolo ng misyon at adhikain ng PRRC,” ani Goitia.
Ibinahagi ni Goitia sa pama-magitan ng pagsisikap ng PRRC na nasa ilalim at pagsubaybay ni Pangulong Rodrigo Duterte, nagawang makapuwesto ng PRRC bilang pumangalawa sa nagkampeon na San Antonio River ng Estados Unidos sa nasabing International River Symposium noong 19 Setyembre.
“Bagamat gahibla lamang ang pagkakapanalo ng San Antonio River kontra sa ating Ilog Pasig, ipinamalas natin sa buong mundo na kayang ma-kipagsabayan ng Filipinas sa mga higit na maunlad na bansa kagaya ng US. Biro ninyo, tayo lang ang third world country na nakapasok sa Final 4 at naka-1st Runnerup pa tayo!” buong pagmamalaking kuwento ni Goitia na Presidente rin PDP-Laban San Juan City Council.
“Kagaya ni River Warrior, isa siyang underdog. Malaki ang hinaharap niyang pagsubok kontra sa puwersa ni Bruno Basura at Mikrobyo Gang.
“Ganoon din ang Filipinas, kahit maliit na bansa lang tayo, ipakikita natin na may dedikasyon at tibay ng loob ang mga Filipino upang makamit ang tagumpay.”