BASTA’T pera talaga o kapangyarihan ang nangibabaw, may mga nilalang na binibigyang katuwiran ang mali.
Tulad na lamang sa nakadedesmayang National Day of Protest rally noong Huwebes sa Plaza Miranda, Quiapo na nauwi sa kabastusan.
Sa saliw ng nakakikiliting “Basketbol,” bigay-todo ang ngayo’y matataba nang miyembro ng dating grupong Bibingka Hot Babes, ‘este, Viva Hot Babes na sumikat noong dekada ‘90.
Pagiling-giling na nagsayaw ang grupo, kasama ang tatlong lalaki na kanilang napili mula sa audience at pinaakyat sa entablado.
Habang kumakanta ang grupo, bigay na bigay din na kumakayog-kayog ang tatlong kalalakihan sa kanilang likuran at kada mababanggit sa awitin ang katagang “shoot” ay hinahalikan sila sa iba’t ibang parte ng katawan.
Noong sila ay medyo bata-bata at sikat pa ay wala sigurong nakapagsabi na mahalay ang klase ng kanilang sayaw dahil sa mga stage show, beerhouse, nightclub at pribadong okasyon sila nagtatanghal.
Ano pa’t ang malaswang tagpo sa tabi pa mandin mismo ng Quiapo Church ay ginagawa lamang ng mga magkasintahan o mag-asawa sa mga tagong lugar nang nakahubo’t hubad.
Isa sa miyembro ng grupo ang nagsabing, ”Walang halong malisya. For fun lang.”
Ang katuwaan ay hindi ginagawa sa lahat ng lugar, lalo’t ang Plaza Miranda ay isang mahalagang dako ng kasaysayan sa bansa.
Kahit pa sabihing sa labas at hindi sa loob ng simbahan sila nagtanghal ay labag pa rin ito sa katinuan at propriety.
Kung paanong paglapastangan ang maghanda at magkainan ng litsong baboy sa tabi mismo ng Mosque ay gayon din na hindi nararapat gawin ang kahalayan sa mga simbahan at mga sagradong lugar na dapat igalang.
Kunsabagay, hindi natin masisisi ang mga entertainer dahil ang hangad lamang naman nila ay kumita.
Ang talagang may kasalanan kaya naganap ang malaking kabastusan ay walang iba kung ‘di ang mga nagkakandarapang magsipsip kay Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte na nag-organisa ng naturang programa na nauwi sa kabastusan.
Hindi ba maliwanag na blasphemy o pambabastos ‘yan sa Nazarenong Itim at sa Simbahan ng Quiapo?
Matatandaang tinanggal sa tiket ng dati niyang partido sa Liberal Party si dating MMDA chairman at ngayo’y presidential adviser on political Francis Tolentino sa katulad na isyu.
Kung tutuusin ay masahol pa nga kompara sa campaign sortie noon ng LP sa Laguna ang nangyari dahil ang Plaza Miranda ay katabi mismo ng Quiapo Church.
‘Buti na lang, hindi masyadong marami at kakaunti lang ang hakot na dumalo sa inorganisang rally sa Plaza Miranda.
Ewan natin kung may katotohanan ang balitang lumayas din agad ang mga hakot dahil hindi umano tinupad ang ipinangakong budget sa kanila.
Aba’y kung totoo ‘yan, sila pala ang dapat upahan ng oposisyon para magtaboy ng supporters papalayo kay Pang. Digong.
Sa mga tulad nilang pahamak na gustong magsipsip sa pangulo ay hindi na nangangailangan ng mga kalaban ang administrasyon.
MGA KASO NI IMELDA
DAPAT NANG IBASURA
HINILING sa Sandiganbayan ni dating first lady Imelda Marcos na maibasura ang mga kasong graft laban sa kanya.
Hindi matapos-tapos ng Sandiganbayan ang paglilitis kay Gng. Marcos at hanggang ngayon ay wala namang mapatunayan laban sa kanya at sa kanyang pamilya.
Samantala, sunod-sunod ang pagbasura ng Sandiganbayan sa mas mabigat na kasong plunder dahil daw sa “inordinate delay.”
Ang mga akusado sa kasong plunder na sunod-sunod na inabsuwelto ng Sandiganbayan ay napagkaitan daw kasi ng “right to speedy trial.”
Ang iba sa mga inabsuwelto sa kasong plunder ay apat na taon lang tumagal ang kaso sa Sandiganbayan.
Hindi ba mahigit tatlumpong-taon na ang mga kaso ni Gng. Marcos at hindi man lamang naisip ng Sandiganbayan na ibasura dahil sa inordinate delay o sobrang tagal na?
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])
KALAMPAG
ni Percy Lapid