MASAKIT isipin na “lumuha ang buong pamilya sa takilya.” Hindi naging isang malaking hit ang pelikula ni Sharon Cuneta nang magkaroon iyon ng commercial theatrical release kagaya ng mga pelikulang ginagawa niya noong araw. Pero hindi kami nagtataka kasi indie iyan eh, at simula pa, idinidiin nila na isang indie nga ang ginagawa ni Sharon. Eh talagang ang mga tao, bargain na nga ang bayad sa sinehan doon sa sineng local nila eh, nakakaloka at wala pa ring nanonood. Ang kaibahan nga siguro sa ginawa ni Congresswoman Vilma Santos, bagamat isa rin iyong indie, hindi idinidiin na indie iyon. Ang sinasabi ay kung gaano kaganda ang pelikula, ang maraming artistang sumuporta sa pelikula, dahil iyon ay tribute sa maliliit na film workers, iyong mga extra. Ang mga tao naman nanood ng sine, at saka iba talaga ang pagiging aktibo ng mga Vilmanian eh. Nagbabayad sila sa panonood ng sine, hindi kagaya ng ibang fans na todo sigaw pero ayaw manood.
Gaya nga niyong fans ng isang indie star nakaistambay lang sa labas ng sinehan pero ayaw namang magbayad at pumasok. Minsan nga concert ng idol nila, naroroon silang lahat sa labas ayaw ding manood kasi may bayad. Ang mga fan ni Vilma hindi ganyan ha, kaya wala kang makitang pelikula ni Vilma na pito lang ang nasa audience, o sinasabing nakakapitong tugtog na ng Lupang Hinirang wala pang nanonood. Kaya nga inalis na ng mga sinehan iyong tugtog ng Lupang Hinirang, basta hindi sila nagbubukas habang walang bumibili ng tickets, at kung tatlo o apat lang ang bumili, nagre-refund na lang sila dahil lugi talaga iyon. Eh sino ba ang gustong malugi? Ano sila hilo?
HATAWAN
ni Ed de Leon