MATAPOS na may magkuwento sa amin ng sitwasyon, naiintindihan namin kung bakit sinasabing asar ang mga KathNiel fan sa pagbabalik ni Angel Locsin sa kanilang serye. Maski si Angel nagtataka, bakit noong simula na naroroon siya panay ang pasalamat sa kanya sa suportang ibinigay niya sa serye, tapos ngayong ibinabalik siya bina-bash siya niyong ibang KathNiel fans.
Kasi sa takbo pala ng magiging kuwento, mukhang magkakaroon ng love angle sa character nina Angel at Richard Gutierrez. Alam naman ninyo, iyong team up ng dalawang iyan ang tumalo sa lahat ng ibang mga kasabayan nilang TV shows noong araw. Mas malaking hit iyong tambalan nina Richard at Angel, kaysa pakikipag-partner ni Richard kay KC Concepcion ha. Kung mangyayari nga naman iyon, saan mo pupulutin ang love team nina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo? Nakakasabay pa iyan ng mga tsismis na mukhang paghihiwalayin muna ang love team nilang dalawa. In fact, may sinasabi ngang project si Daniel na iba yata ang partner.
Iyong fans ni Daniel, hindi masyadong apektado dahil alam naman nila na ang popularidad ng kanilang idolo ay makatatayo on its own ano man ang mangyari. Ang talagang maaapektuhan nga ay si Kathryn, kaya ganoon na lang ang reaksiyon ng kanyang fans.
Masasabi kasing sumikat lang nang todo si Kathryn noong makatambal ni Daniel. Sikat naman siya pero hindi ganyan noong ang leading man niya ay si Albie Casino, o kahit na noong makasama niya si Enrique Gil. Si Enrique naman sumikat lang noong maka-love team si Liza Soberano.
Pero hindi dapat magalit kay Angel. Artista lang si Angel at may kontrata sa ABS-CBN, natural kung ano ang ipagagawa sa kanya susunod siya. Puwede ba iyong binibigyan siya ng assignment ang isasagot niya ay ”ayaw ko?” Ang tanungin ninyo, bakit inilalagay ng ABS-CBN sa serye si Angel? Bakit gumawa sila ng panibagong character na magsasali sa kanya sa seryeng iyon? Ano ang dahilan at gagastos sila ng dagdag sa production cost sa pagdaragdag ng isang malaking star kagaya ni Angel?
Sharon, ‘lumuha’
sa takilya
MASAKIT isipin na “lumuha ang buong pamilya sa takilya.” Hindi naging isang malaking hit ang pelikula ni Sharon Cuneta nang magkaroon iyon ng commercial theatrical release kagaya ng mga pelikulang ginagawa niya noong araw. Pero hindi kami nagtataka kasi indie iyan eh, at simula pa, idinidiin nila na isang indie nga ang ginagawa ni Sharon. Eh talagang ang mga tao, bargain na nga ang bayad sa sinehan doon sa sineng local nila eh, nakakaloka at wala pa ring nanonood.
Ang kaibahan nga siguro sa ginawa ni Congresswoman Vilma Santos, bagamat isa rin iyong indie, hindi idinidiin na indie iyon. Ang sinasabi ay kung gaano kaganda ang pelikula, ang maraming artistang sumuporta sa pelikula, dahil iyon ay tribute sa maliliit na film workers, iyong mga extra. Ang mga tao naman nanood ng sine, at saka iba talaga ang pagiging aktibo ng mga Vilmanian eh. Nagbabayad sila sa panonood ng sine, hindi kagaya ng ibang fans na todo sigaw pero ayaw manood.
Gaya nga niyong fans ng isang indie star nakaistambay lang sa labas ng sinehan pero ayaw namang magbayad at pumasok. Minsan nga concert ng idol nila, naroroon silang lahat sa labas ayaw ding manood kasi may bayad. Ang mga fan ni Vilma hindi ganyan ha, kaya wala kang makitang pelikula ni Vilma na pito lang ang nasa audience, o sinasabing nakakapitong tugtog na ng Lupang Hinirang wala pang nanonood. Kaya nga inalis na ng mga sinehan iyong tugtog ng Lupang Hinirang, basta hindi sila nagbubukas habang walang bumibili ng tickets, at kung tatlo o apat lang ang bumili, nagre-refund na lang sila dahil lugi talaga iyon. Eh sino ba ang gustong malugi? Ano sila hilo?