ANG tagal ng pakikipagku wentuhan ng Star for All Seasons at Best Actress ng Eddys na si Congresswoman Vilma Santos,nang maabutan namin doon sa burol ng aming kaibigan at kasamahang si Mario Hernando.
“Alam mo nagulat ako eh, hindi ko alam na nagkasakit si Mario. Minsan dinalaw ko si Manay Ichu dahil may sakit din, siya ang nagsabi sa akin na medyo hindi nga maganda ang lagay ni Mario. Tapos nagkita pa kami roon sa Urian, sabi ko nga sa kanya ang payat na niya. Pero sabi niya ok siya. Tapos nagulat na nga lang ako noong itawag sa akin na namatay na siya,” sabi ni Ate Vi.
May nagtanong naman sa kanya, ano ang feeling kung nananalo siya ng may ka-tie.
“I really don’t mind. Alam mo iyang awards na iyan, sinasabi ko nga bonus iyan na natatanggap namin para sa aming trabaho. Naniniwala ako lahat ng nagtrabaho dapat may bonus. I wouldn’t even mind if it was a three way tie, napanood ko si Hasmine Killip magaling siya. Puwede pa ngang four way, magaling din namang aktres si Charo. Isa pa, si Jacklyn Jose, best actress sa Cannes. Kung lahat pinapanalo mas happy ako. Kasi mas makapagbibigay iyan ng encouragement sa mas maraming tao. At saka in that case sa simula pa lang alam ko na. May nagsabi na sa akin backstage. Pero sabi ko nga ok lang iyan,” sabi ni Ate Vi.
Pero totoo bang ok sa kanya na gumawa ng pelikula kasama si Nora?
“Ok naman. Nakagawa na kami ng pelikula together noon pa man, kaya lang wala namang offer. Isa pa, tama ka na alam mo naman kasi kung ilang scripts ang nakalinya sa akin. Magagalit naman iyong iba kung may uunahin akong mas bagong offer, at saka at the rate it is going, nakita mo naman dalawang taon bago ako nakagawa ng pelikula ulit. Pero tama lang iyon eh, kung gagawa man ako ng pelikula, pipiliin ko na iyong pinaka ok, kasi minsan sa dalawang taon na lang ako gumawa ng pelikula. Basta naman gumawa ako nagugustuhan ng fans at kumikita. Iyon ang importante sa akin eh. Hindi naman madaragdagan ang kita ko kung kumita ang pelikula, pero naroroon iyong assurance na ang producer makagagawa pa ulit ng pelikula pagkatapos ng movie ko. Magpapatuloy ang industriya. Ang daming taong umaasa sa industriya natin.
“Kung gagawa ka ng pelikula, tapos malulugi, paano pa uulit iyong producer? Ang ending kawawa iyong maliliit na manggagawa sa industriya dahil sila ang nawawalan ng trabaho.
“Minsan, aaminin ko, halos sumabog ang dibdib ko. May isang nagtatrabaho sa pelikula, na-traffic kami, hinabol iyong sasakyan tinawag ako. Nakilala ko naman, binuksan ko ang bintana. Nag-usap kami. Wala na siyang trabaho dahil nalugi ang producer nila tatlong beses na. Nagtitinda na lang siya ng barbecue sa tabing kalye. May sakit pa siya. Sabi ko nga sa kanya, dalawin niya ako minsan sa Kongreso, tingnan ko kung paano ko siya matutulungan. Nangyayari iyan dahil wala na ngang makuhang trabaho sa industriya, at iyan ang dapat nating bigyan ng pansin. Concerned tayo sa mga manggagawa, sikapin nating may gumawa pa ng pelikula. Kung ang mga pelikula natin puro lugi, sayang naman.
“Kaya ako nga, hindi baleng dalawang taon bago ako gumawa ng pelikula, basta maganda naman at kikita happy na ako roon. Iyon ang talagang goal ko para kahit na paano, sinasabi man nilang naiba na ang mundo ko, nakatutulong pa rin ako saindustriya. Kung gumawa man ako ng gumawa ng pelikula at hindi naman kikita, hindi ako makatutulong noon sa industriya at sa mga kasama ko,” sabi pa ni Ate Vi.
Talagang makikita mo kay Ate Vi ang talino at concern sa industriya, hindi lamang concern para sa sarili niya.
( Ed de Leon )