SA sorpresang hakbang, inaprobahan nitong Martes ng Kamara ang P1,000 budget ng Energy Regulatory Commission (ERC) para sa 2018.
Sa ginanap na plenary deliberations, isinulong ni Zamboanga City Rep. Celso Lobregat bilang isponsor, ang P1,000 budget para sa ERC.
“I am here to sponsor the budget of the ERC and we are sponsoring the budget of P1,000 for the ERC for the year 2018,” aniya nang walang ano mang paliwanag sa kung ano ang dahilan ng kanyang mosyon. Nang itanong ni BUHAY party-list Rep. Lito Atienza kay Lobregat kung ang isinusulong niya ay pagbasura sa buong P365 milyon budget, sinabi ng mambabatas na “No, I am moving for a P1,000 budget.”
“The minority is very proud to be part of this motion. I second,” tugon ni Atienza.
Pagkaraan ay isinulong ni Atienza ang pag-apruba sa P1,000 budget para sa ERC.
Inaprobahan ni Deputy Speaker Fredenil Castro, nag-preside sa deliberasyon, ang mosyon dahil walang tumutol mula sa ibang mga mambabatas.
“Any objection? The chair hears none. The motion is approved,” ayon kay Castro.
Pinasalamatan ni Lobregat ang mga miyembro ng Kamara sa pag-aapruba ng budget na kanyang inisponsor.
Nauna rito, nagbabala si Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate sa ERC officials, na isasan-tabi ang kanilang 2018 proposed budget kapag nabigo silang magsumite ng mga dokumento kaugnay sa Meralco-affiliated power sale agreements at ang long overdue Malampaya shutdown report noong 2013.