IPINAHAYAG ni Bayani Agbayani na mas seryoso na siya sa kanyang trabaho ngayon bilang komedyante. Aniya, naka-focus siya sa kanyang craft at mas pinag-aaralan niya ito ngayon.
“Nakita ko na it’s about time na kailangan ay mabago rin iyong itsura ko sa screen. Kasi, sa tinagal-tagal ko na rin sa industriya, may sawa factor din e, kapag hindi ka nagbago ng itsura, nagbago ng character, nagbago ng kilos, nagbago ng pananamit. Dapat ay iba-iba e, kumbaga iba-iba dapat na putahe ang inihahain mo sa publiko,” ani Bayani.
Saad niya, “Mas gusto ko na kahit comedy, challenging at pinagtatrabahuhan mo talaga. Before nga, roon na lang ako nagbabasa ng script sa mga ginagawa naming sitcom. Usually din, kung ano lang ang papel mo o dialogue, iyon lang ang babasahin mo. Ngayon hindi na, binabasa ko na iyong buong script kahit gaano kakapal. Pelikula man iyan, show sa TV o variety show, tinitingnan ko ‘yung flow, talagang inaaral ko na ngayon.
“Sabi nga ng kasabihan, ‘Comedy is a serious business.’ Parang ganoon… kaya ngayon talagang focus ako sa trabaho.”
Bakit ngayon ay naging serious ka na talaga sa pagiging komedyante mo? “Siguro dahil bata pa tayo rati, happy go lucky at alam mo na maraming trabaho na darating sa iyo. Pero ngayon ay mag-iisip ka na rin na sa tinagal-tagal mo na sa industriya, dapat ay seryosohin mo na talaga ang trabaho mo. At dapat ay may bago kang ipapakita, kasi modesty aside, sa palagay ko, iyong mga makikita ng mga tao, nakita na nila before, e. Kaya dapat ay may bago kang ipakikita talaga.
“Dapat sumabay ka sa millennials, dapat tingnan mo sa social media kung ano ‘yung trending, kung ano ‘yung gusto nila. Pahirap nang pahirap ngayon ang research e, pag-aaral e. Pero okay lang, at least challenging, hindi iyong basta pupunta ka sa taping tapos magbabasa ka ng script, ‘yon na. Na makikinig ka roon sa assistant director kung ano ‘yung sinasabi at roon mo pa lang malalaman ‘yung istorya. Mas maganda na inaaral mo talaga ang script at ang magiging trabaho mo.”
Ipinahayag din ni Bayani ang labis na kagalakan ngayong nasa pangangalaga na siya ng Asian Artists Agency na pinamamahalaan ng top notch TV host and talent manager na si Boy Abunda.
“Sobrang thankful ako dahil tinanggap ako ni Kuya Boy bilang isa sa talent niya. Maraming plano sa akin at excited talaga ako sa mga mangyayari sa career ko ngayon. Noong nag-meeting kami, kasama ko ang wife ko (Len), ang ganda ng sinabi sa akin ni Kuya Boy, sabi niya sa akin, ‘Bayani, hindi naman puwede na kapag babalik ka sa limelight ay ‘yun pa rin ang ipapakita mo.’
“Noong next meeting namin, kasama na niya ‘yung team niya sa AAA na mga bata pa, tapos ay nakabuo kami ng ilang pelikula at isang kanta na napakaganda. Bale, idea pa lang iyon at bubuuin ng kanyang mga writer,” saad ni Bayani na sinabi pang balak nilang magkaroon siya ng show sa social media na ala-Zach Galifianakis ang format.
MOJACK, MAY TWO-DAY
SHOW SA LIGHT
ROCK CAFÉ & RESTOBAR
MAPAPANOOD ang versatile na singer/comedian na si Mojack sa show na gaganapin sa Light Rock Café & Restobar sa Legaspi City sa Sept. 8 & 9, 2017. Ito ay two day show at ipinahayag niyang nag-e-enjoy siya sa mga ganitong performance.
“Yes po, I enjoyed a lot when I have a show na mga out of town. Bale ang ka-back to back ko lang is ‘yung local band nila doon, ‘yung in house band nila and ako ‘yung primetime artist nila in two days,” pahayag ni Mojack.
Dagdag niya, “Actually po, it’s my third time na mag-solo-show dito sa Light Rock Cafe and Restobar. Ang last time na show ko roon is 2013 pa, request ng may-ari ng bar is mag-solo concert ulit ako dahil iyon din ang request of their followers ng bar, iyong mga customers nila.
Ano usually ang repertoire mo sa mga ganyang show, lalo na kapag ikaw lang mag-isa?
“Ang repertoire ko rito is iba-iba po e, variety pero hindi mawawala ang pag-impersonate ko kay Blakdyak. Ang mga kanta niya ay kakantahin ko rin po rito,” saad ng komedyante na nakilala nang husto bilang Blakdyak Kalok-alike at impersonator.
Pahabol niya, “Yes, mostly ang mga request nila sa akin is to sing songs of Blakdyak and other Reggae songs… ganoon po.”
Sinabi ni Mojack kung ano ang dapat asahan sa two day show niyang ito. “Siyempre po, ang show kong ito ay punong-puno na naman po ng tawanan, kantahan, sayawan, at kulitan with the participation po ng mga audience.”
ALAM MO NA!
ni Nonie V. Nicasio