SINIBAK sa puwesto ang 15 pulis makaraan mahuling natutulog sa presinto ng Gagalangin sa Tondo, Maynila, nitong 23 Agosto.
Sa mga retrato na inilabas ng National Capital Region Police Office (NCRPO), makikita ang mga tulog na pulis.
Kuha ito ng isang complainant na dumulog sa NCRPO, dahil bukod sa hindi tinugunan ang kanyang idinulog na reklamo sa nasabing presinto, pinagalitan pa umano siya ng mga natutulog na pulis. Ayon kay NCRPO Chief Oscar Albayalde, base sa kuwento ng biktima na tumangging magpakilala, nagpunta siya sa presinto para i-report ang ninakaw na motorsiklo.
Ngunit dahil hindi tinulungan ang biktima, umalis na lang siya imbes magpa-blotter.
Nakatalaga sa night shift ng Gagalangin Police Community Precinct (PCP) ang 15 pulis na sinibak sa puwesto, kabilang sina PCP Commander PSINSP Anthony Co, PO3 Nelson DG. Geronimo, PO3 Avelino T. Guibao, Jr., PO3 Geronimo M. Ramo, PO2 Carlito V. Dela Cruz, PO1 Percival F. Doroja, PO1 Aladin P. Arguelles, PO1 Arnold S. Regala, PO1 Cathlyn C. Cauan, PO1 Joe Ronie A. Obillo, PO1 Romeo M. Balagtas, Jr., PO1 Carlo L. Farmis, PO1 Janette G. Banatao, PO1 Leo Dave A. Legaspi, at PO1 Beatriz R. Danguilan.
Isasailalim sila sa retraining at naka-floating ang status nila ngayon sa National Capital Region Police Office (NCRPO) habang iniimbestigahan ang kaso.
Ayon sa Manila Police District (MPD), na nakasasakop sa Gagalangin PCP, magkakaroon ng panibagong balasahan sa kanilang mga istasyon bunsod ng insidente.
Paalala ni Senior Supt. Danilo Macerin ng MPD, responsibilidad ng mga pulis na magresponde sa ano mang reklamo.
Samantala, hindi pa nagbibigay ng pahayag ang mga nasibak na pulis kaugnay ng insidente, ayon sa NCRPO.