PATAY ang dalawang senior citizens at dalawang paslit sa magkahiwalay na insidente ng sunog sa Zamboanga City, at sa lalawigan ng Quezon.
Sa Zamboanga City, binawian ng buhay ang mag-asawang senior citizen na kinilalang sina sina Polman Janaidi, 67, at Lakibul Musad, 70-anyos, habang tinatayang 100 pamilya ang nawalan ng tirahan sa sunog sa isang residential area, nitong Biyernes ng gabi.
Ayon kay SPO2 Pilarito Bello ng Zamboanga City fire bureau, naganap ang sunog sa isang residential area sa Kasalamatan Drive sa Brgy. Kasanyangan, na umabot sa ikaapat na alarma.
Hindi pa mabatid ng mga awtoridad ang sanhi ng nasabing sunog.
Tinatayang 50 pamilya na apektado ng sunog ang pansamantalang nananatili sa Sta. Catalina Elementary School habang ang iba ay tumuloy muna sa kanilang mga kamag-anak.
Tiniyak ng city social welfare office ang tulong sa mga nasunugan.
Samantala, sa lalawigan ng Quezon, namatay ang magkapatid na paslit nang masunog ang kanilang bahay nitong Sabado ng gabi.
Kinilala ang mga biktimang sina Joshua, 7, at Dave Platas, 5-anyos.
Ayon sa local fire bureau, natutulog sa kanilang bahay ang mga dalawang biktima nang magsimula ang sunog dakong 11:00 pm sa Brgy. Bulakin Dos, sa bayan ng Dolores.
Ayon sa mga imbestigador, ang sunog ay nagsimula sa napabayaang kandila.
Wala ang mga magulang ng magkapatid nang maganap ang insidente.
HATAW News Team
Sa Masbate
20 BAHAY
TINUPOK
NG APOY
MASBATE — Aabot sa 20 bahay ang tinupok ng apoy sa Brgy. Kinamaligan, sa siyudad bandang 9:30 am nitong Linggo.
Ayon kay Senior Fire Officer 2 Victorio Laurio, umabot sa dalawang oras ang sunog dahil nahirapan pumasok sa eskinita patungo sa sunog ang mga bombero.
Dahil gawa sa light materials ang mga nasunog na bahay kaya mabilis lumaki at kumalat ang apoy.
Ayon sa imbestigador, nagmula sa bahay ng isang Jimmy Vergara ang sunog makaraan umapoy ang mga saksakan sa bahay.
Sugatan ang misis ni Vergara ngunit agad nalapatan ng lunas.
Aabot sa 31 pamilya ang nasunugan at kasalukuyang inaasikaso ng mga lider ng barangay.