NAG-IISIP na ngayon si Racquel Pempengco kung idedemanda niya ang kanyang anak na si Charice, alyas Jake Zyrus, dahil sa ginawa niyong paninira sa kanya nang isalin sa isang drama sa telebisyon ang umano ay naging buhay nila. Hindi namin napanood iyong drama, pero batay sa mga kuwento, talaga ngang pinasama si Racquel sa kanilang drama.
Pero nag-play safe naman ang mga producer ng drama sa pagsasabing sa simula pa lamang na ang kanilang drama ay “base sa kuwento ni Charice.” Pero ang punto naman doon, kagaya rin ng aming pagsusulat, hindi mahalaga kung sino ang source mo. Ang pinagtatalunan ay nakasira ba ng pagkatao ang ginawa mo at ano ang motibo mo sa ginawang iyon? Diyan sa kasong iyan, mangingibabaw kung ano ang motibo ni Charice para siraan ang nanay niya.
Napanood namin iyong interview sa aktres na si Dina Bonnevie, na siyang gumanap sa role ni Racquel sa drama, na nagsabing siya man ay duda kung ganoon talaga kasama si Racquel, pero artista lang siya at iyon ang role na ipinagagawa sa kanya. Nasabi pa niyang gusto rin niyang gampanan ang role ni Racquel kung sakaling maisipang gumawa pa ng isang drama na magpapakita naman ng kanyang side sa controversy na iyon.
Kung minsan iyan talaga ang mahirap sa mga anthology na supposed to be ay real life story, lalo na nga kung medyo kontrobersiyal at may matatamaan sa kuwento. Pero mabilis din namang naghugas kamay si Charice sa pagsasabing mahal niya ang nanay niya. Nasa pag-uusap na nilang dalawa iyan. Mahirap pakialaman ang away ng isang pamilya.
Kasi in the end, baka sila na ang magkakakampi at ikaw ang kontrabida sa buhay nila. Nakita ninyo iyong lola ni Charice, ang unang statement niyan laban siya sa ginagawa ng kanyang apo at sinasabihan pa niyang “magbalik ka na sa mommy mo.” Pero ngayon kampi na siya kay Charice at sinasabing hindi maganda ang ugali ng kanyang anak.
HATAWAN – Ed de Leon