PAREHO at pantay ang award na Ginintuang Bituin na ibibigay ng Star Awards kina Congresswoman Vilma Santos at Nora Aunor. Pagkilala iyon sa lahat ng nagawa nila sa showbusiness at kaugnay din ng kanilang pananatili sa industriya ng 50 taon. Kaya pala “ginintuan” kasi golden anniversary.
Pero masasabi nga bang magkapantay pa rin sila hanggang ngayon? Naroroon pa ba ang kompetisyon? Si Cong. Santos, bagamat sinasabi niyang hindi pa naman niya iniiwan ng tuluyan ang showbusiness ay hindi na masyadong kumakayod sa industriya. Hindi naman niya ikinakaila na mas binibigyan niya ng priority ang kanyang tungkulin sa bayan. Gumagawa lamang siya ng pelikula kung may mga projects na gusto siyang gawin kailangang maghintay din iyon kung kailan maisisingit sa schedule niya.
Si Aunor, nananatiling ang hanapbuhay ay showbusiness, ang hindi lang maganda, hindi naman siya naisasama sa mga malalaking pelikula kaya ang ginagawa niya ay puro indie, na ang iba ay hindi naipalalabas sa mga sinehan. Sa taong ito, hindi pa rin siya nananalo ng kahit na anong award. Noon kasing una, tinalo siya ni Ate Vi sa The Eddys. Tapos doon naman saUrian ay hindi nominated si Ate Vi dahil binigyan siya ng lifetime achievement award, tinalo pa rin si Nora niyong si Hasmine Killip. Diyan sa Star Awards, pareho na naman silang nominated pero manalo man at matalo ok lang dahil bibigyan na nga sila ng mas mataas na award.
Ok lang naman iyan, pero roon sa mga naniniwala na magkapantay lang silang dalawa, o may kompetisyon pa nga sila, ok lang. Tutal libre lang naman ang mangarap.
HATAWAN – Ed de Leon