ARESTADO ang tatlong pekeng traffic enforcer makaraan umanong kikilan ang isang motorista na agent pala ng Manila Traffic and Parking Bureau.
Ang tatlo, ay una nang sinibak sa trabaho dahil sa pangongotong.
Ayon sa ulat, kinilala ang mga pekeng traffic enforcer na sina Jerome Miller, Mark Buzeta at Rogelio Balatbat.
Ang hindi alam ng tatlo, agent ng MTPB ang motoristang kanilang tinangkang kikilan na una nang pinagsumbungan ng isang truck driver kaugnay sa ginagawa raw na pangingikil ng tatlo.
Ayon sa ulat, ipinakita sa text ng driver na mahigit P5,000 raw ang hiningi sa kanya ng tatlo sa kahabaan ng San Marcelino St. nitong Miyerkoles.
“Isa po iyon sa daanan ng mga traffic enforcer papuntang south. Ngayon po, pinupuwestohan nila para makapangotong,” ayon kay Armel Tacbad, traffic enforcer ng MTPB.
Nang suriin ang bag na dala ng isa sa tatlong nadakip, nakita ang pera na kinita nila sa pangongotong at ilang pekeng paniket.
Noong 2016, kabilang ang tatlo sa mahigit 600 traffic enforcer na sinibak sa Maynila dahil sa reklamo ng katiwalian at pangongotong.
“Magaan lang po ‘yung kaso na pina-file natin. Ngayon po, meron nang kaso na robbery-extortion, medyo mahihirapan na sila,” sabi ni Dennis Alcoreza, OIC Director, MTPB.
Itinanggi ng tatlo na nangongotong sila. Si Miller, bagaman aminadong hindi na siya traffic enforcer, idinahilang napag-utusan lang siya na mag-escort sa Taft Avenue.
Sinampahan ng kasong usurpation of authority ang mga suspek.