SINASABI nga nila, hanggang sa ngayon, apat pa lang ang pelikulang indie na kumita ng malaki at naipalabas sa mga sinehan. Iyon ay iyong Babae sa Septic Tank ni Eugene Domingo, Ekstra ni Congresswoman Vilma Santos, Heneral Luna ni John Arcilla, at ito ngang huli, iyong Kita Kita ni Empoy. Iyong ibang indie na sinasabi nilang kumita, kumita lang iyan base sa standards nila. Iyong standards nila, mas mababa kaysa standards ng main stream movie.
Nakita naman natin eh, doon lamang sa Metro Manila Film Festival noong nakaraang taon. Tuwang-tuwa na iyong mga gumagawa ng indie dahil kumita sila, pero isang katotohanan na iyong festival ay isang flop base sa dating standards dahil maliit lang ang kinita ng pelikula nila, kahit na sapilitang inilabas iyon sa mga sinehan at walang mapagpiliang iba ang mga tao.
Iyang comeback movie ni Sharon Cuneta, iyong first niya after eight years, hindi naman natin inaasahang kumita talaga dahil indie nga iyan. Pero siguro kung nanalo ngang best actress si Sharon, ok na iyon. Kagaya rin ni Nora Aunor, balolang sa takilya ang pelikula pero nananalo ng awards. Kaso natalo pa nga si Sharon, at iyong kanyang pelikula, walang nakuha kahit na isang award. Sa kalagayan niyan ngayon, awa na lang talaga ng Diyos kung maipalabas pa iyan sa commercial theaters.
Ngayon masasabi nga nating, masakit isipin pero silat ang comeback ni Sharon.
Pero marami pang magagawa si Sharon. Siguro makagagawa siya ng isa pang hit na kanta. Noong araw naman lahat ng recordings niya big hits. Ang maganda sa kanya, may boses pa siya at hindi kagaya ni Nora na wala nang pag-asang makakanta.
Makagawa lang siguro si Sharon ng isang hit song kagaya noong araw, na iyong mga kanta niya noon nabebenta pa rin hanggang ngayon. Kung makakapag-concert din siya ng malakihan, kasi iyong nakaraang concert naman niya medyo mahina rin dahil nasabay sa sobrang traffic, makakabawi pa naman iyan. Pero kailangang mamili naman sila ng kantang magiging hit. Iyong mga album kasi niya nitong bandang huli, magaganda pero walang naging malaking hit. Minsan nga kung iisipin mo, si Daniel Padilla hindi naman singer talaga, pero mas bumenta pa ang album niya kaysa album ni Sharon ngayon.
Kailangan kay Sharon pag-isipan nang husto kung ano ang kasunod na diskarte sa kanyang career, iyon ay kung gusto niyang tumuloy pa at huwag munang mag-retire.
HATAWAN – Ed de Leon