Lubos ang kalungkutang nadama ni Pasig River Rehabilitation Commission (PRRC) Executive Director Jose Antonio “Ka Pep” E. Goitia matapos ang malaking sunog na tumupok sa kabahayan at nakaapekto sa 700 pamilyang naninirahan sa Talayan Village sa Quezon City.
Sa loob lamang ng apat na oras, nasunog ang dikit-dikit na mga bahay sa Calamba St., Extension ng Barangay Talayan, nakaraang Biyernes ng umaga, 11 Agosto 2017.
“Hindi na sana dinanas ng mga pamilya ang trahedyang ito kung hindi nila tinatanggihan ang alok namin na mas magandang bahay at buhay. Gayonman, hangad pa rin namin ang ikagagaang ng kanilang pamumuhay. Sa pakikipagtulugan ng local inter-agency committee (LIAC) ng Quezon City at ng PRRC, kumikilos kami nang double time upang mai-relocate nang mabilis ang mga biktima, ani Goitia.
Ayon sa report, nagsimula ang sunog nang makipagtalo ang isang hinihinalang drug addict sa kanyang nanay. Matapos ang pagtatalo, binuhusan ng pintura ng suspek ang bahay na tinutuluyan at hinagisan ng may sinding kandila upang mabilis na kumalat ang apoy.
Napag-alaman din na namatay sa sunog ang 66 anyos na si Elpidio de la Cruz nang piliting pasukin ang nasusunog na barumbarong upang maisalba ang ilang personal at kagamitan sa bahay.
“Nakalulungkot kasi, marami pa rin sa kanila ang tumatangging mai-relocate pagkatapos ng trahedyang ito. Ngunit sinisikap namin silang makumbinsi at maipaliwanag sa kanila ang nakaambang peligro sanhi ng paninirahan nila sa hindi ligtas na waterway kagaya ng San Francisco River. Ipinauunawa namin sa kanila na may higit pang magandang kinabukasan silang hinaharap sa bago nilang bahay sa Morong, Rizal,” paliwanag pa ni Goitia, na Presidente rin ng PDP-Laban San Juan City Council.
Base sa atas ni Goitia, magsasagawa ang PRRC ng one stop shop service upang matulungan ang mga pamilya na maging kuwalipikado para sa isang socialized housing unit na kabilang sa programa ni Pangulong Rodrigo Duterte.
“Kapag naisumite na nila ang mga requirements, tutulungan sila ng PRRC at LIAC upang mailipat na sila sa bago nilang bahay. Sa sandaling nai-relocate na ang mga pamilya, sisimulan naman ng PRRC ang clearing operations upang maialis na ang nalalabi pang estraktura at mga waterway obstruction sa Barangay Talayan para makompleto ang development sa lugar na iyon at masimulan ang water quality improvement interventions,” dagdag ng PRRC head.
Nakatayo ang mga apektadong barumbarong sa gilid ng San Francisco River, na isang pangunahing tributary ng Pasig River.
Ginawa ng PRRC ang mga riverbank at linear park developments sa nasabing lugar simula pa noong nakaraang taon at mahigit 100 indibidwal na ang nailipat sa Morong, Rizal mula 2013 hanggang 2016.