TALISAY CITY – Patay ang isang pulis at kanyang misis sa anti-illegal drugs operation sa Brgy. Pooc, Talisay City, Cebu, nitong Martes.
Si PO3 Ryan Quiamco ay nalagutan ng hininga sa pinangyarihan ng insidente, habang ang misis niyang si Rizalyn, ay idineklarang dead-on-arrival sa ospital.
Ayon sa pulisya, ang transaksiyon ay dapat maganap sa South Road Properties, ngunit biglang nagpaputok si Quiamco nang mapansin na nakikipagtransaksiyon siya sa mga operatiba.
Tumakas si Quiamco at kanyang misis lulan ng black pick-up truck. Ngunit hinabol sila ng mga pulis.
Sugatan din sa enkuwentro ang bystanders na si Nilo dela Cerna at isang menor-de-edad.
Si PO2 Jimuel Villaflores ay tinamaan ng bala sa nasabing operasyon.
Si Quiamco ay naging pulis noong 2002 at naging bahagi ng SWAT ng Cebu City Police Office.
Nitong nakaraang taon, inilipat siya sa Camp Crame makaraan tukuyin ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang isa sa mga pulis na sangkot sa illegal drug trade.
Sinabi ni Senior Supt. Jonathan Cabal, sinimulan nila ang pag-monitor sa galaw ni Quiamco nitong Abril.
Aniya, ang illegal drug supply ng pulis ay mula sa mga Parojinog sa Ozamis City. Si Quiamco ay number 2 sa kanilang watch list, ayon kay Cabal.
Binigyang-diin ni Cabal na lehitimo ang kanilang operasyon. Dagdag niya, mino-monitor nila ang mga pulis na nasa “narco-cop” list ng Pangulo.