PATAY ang isang pulis na maghahatid ng anak sa paaralan makaraang bistayin sa bala ng mga nakamotorsiklong kalalakihan sa Ayala Boulevard, Ermita, Maynila nitong Martes.
Batay sa kuha ng CCTV malapit sa Technological University of the Philippines (TUP), sakay ng tatlong motorsiklo ang mga suspek nang pagbabarilin nila si PO3 Mark Anthony Peniano na angkas ang kanyang anak, pasado 8:00 am.
“Mabilis po masyado. Natumba na lang iyong motor namin ng daddy ko,” kuwento ng anak ng 34-anyos pulis.
Dagdag ng isang saksi, “Nakita ko may pumutok, tumalsik iyung pulis tapos bumaba ang gunman. Pinaputukan pa siya, mga 6 (na beses) siguro iyon.”
Kung pagbabatayan ang 25 basyo ng bala na nakuha ng mga imbestigador sa insidente, masasabing binistay ng bala ang biktima.
Agad binawian ng buhay ang pulis na naka-uniporme.
Hindi nasaktan ang anak ngunit tinamaan ng bala sa hita ang isang lalaking estudyante ng TUP.
Iniimbestigahan ng mga awtoridad ang motibo ng pagpaslang sa pulis na nakatalaga sa Sta. Cruz Station (PS3) ng Manila Police District.
ERAP NAG-UTOS
NG IMBESTIGASYON
PINAIIMBESTIGAHAN ni Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada ang pagpaslang sa isang pulis-Maynila na ayon mismo sa Manila Police District (MPD) ay pangunahing suspek sa pagpatay sa isang babaeng pulis at sangkot umano sa droga.
Matapos mabalitaan ang pananambang kay PO2 Mark Anthony Peniano, agad tinawagan ni Estrada si MPD director Chief Supt. Joel Coronel upang paimbestigahan mabuti ang kaso at malaman kung sino-sino ang nasa likod ng malagim na pagpaslang.
“Whatever the motives and circumstances, we owe it to the policeman’s family to investigate the case,” pahayag ng alkalde. “I have tasked our city police force to leave no stones unturned to ensure that justice is served.”
Aniya, hindi niya pinapayagan ang extrajudicial killings ng mga pulis na sangkot sa droga at iba pang ilegal na gawain; sinabihan niya si Coronel na bantayan ang mga miyembro ng MPD na kasalukuyang iniimbestigahan sa iba’t ibang kaso.
Huling naitalaga si Peniano sa MPD Headquarters Support Unit sa UN Avenue habang humaharap sa imbestigasyon, ayon kay Coronel.
Ani Coronel, si Peniano ang primary suspect sa pagpaslang kay P01 Jorsan Marie Alafriz nitong Marso 19 sa Quiapo.
Kilalang anti-drug advocate noon ang babaeng pulis.
“Also, he (Peniano) is involved in illegal drug activities and is listed as HVT (High Value Target) in Manila,” ani Coronel.
Patuloy aniyang iniimbestigahan ang naganap na pagpaslang.
Naganap ang insidente sa kahabaan ng Ayala Boulevard malapit sa kanto ng San Marcelino St., malapit sa Technological University of the Philippines (TUP).