NAKATATAWANG nakaiiyak ang 100 Tula Para Kay Stella na pinagbibidahan nina Bela Padilla at JC Santos na mapapanood na bukas, Miyerkoles kasama sa mga entry sa Pista ng Pelikulang Pilipino (PPP).
Tipikal na istorya ang inilahad ni Direk Jason Paul Laxamana sa 100 Tula Para Kay Stella. Magkakaklase sina Stella (Bela) at Fidel (JC) na nagkagustuhan. Dahil sa speech defect ni Fidel naging tagapagtanggol si Stella.
Si Stella na dahil sa hilig sa musikay naisantabi ang pag-aaral at si Fidel naman ay may lihim na palang pagtingil na dahil sa naging tagapagligtas sa mga nambu-bully sa kanya’y hindi napapansing minamahal na pala niya ang mga katangiang ginagawan ng tula.
Umpisa pa lang ay na-inspire na si JC na gawan ng tula si Bela na dahil hindi masabi ang nararamdaman ay idinaan na nga sa tula.
Kung nakarating ba ang tula kay Stella at kung paano ito tinanggap ay dapat na ninyong panoorin.
Samantala, hindi matatawaran ang galing sa pag-arteng ipinakita ni Bela. Simple ang ginawa niyang atake na totoong-totoo ang dating. Kapuri-puri rin si JC na naipakita ang pagigimg estudyanteng may problema sa pagsasalita at ang pagpigil sa tunay na nararamdaman kay Stella.
Mas maiintindihan ninyo ang aking sinasabi kung mahilig kayo sa tula at kung naranasan ninyong magmahal na hindi kaagad naiparamdam sa taong iyon.
Palabas na ang 100 Tula Para Kay Stella na handog ng Viva Films.
SHOWBIZ KONEK – Maricris Valdez Nicasio