NAGHAIN ng piyansa si Senador Gringo Honasan sa isang korte sa Biñan, Laguna nitong Biyernes, makaraan siyang makasuhan ng graft kaugnay ng sinasabing iregularidad sa paggamit ng kanyang pork barrel funds.
Nauna nang sumuko si Honasan sa Biñan City police sa Laguna makaraan magpalabas ng warrant of arrest ang Sandiganbayan kaugnay ng nasabing kinahaharap niyang kaso.
Makaraan iproseso at kuhaan ng mugshot, blood pressure, at fingerprints, dumiretso ang senador kasama ang abogadong si Dennis Manalo, sa tanggapan ni Biñan Regional Trial Court Branch 25 Executive Judge Teodoro Solis para maglagak ng kanyang piyansang P60,000 para sa dalawang bilang ng kasong graft.
Pagkaraan, nilagdaan ng huwes ang release order ng senador kaya na-kabalik na siya sa Maynila.
Ayon kay Atty. Manalo, pinili nilang sa Biñan City Police sumuko at magbayad ng piyansa sa Biñan RTC dahil nasa labas ito ng Metro Manila.
Aniya, kapag sa Sandiganbayan sumuko ang kanyang kliyente, baka matagalan ang pagpro-seso dahil inaasahang maraming media ang mag-aabang.
Kung sa ibang korte naman sa Metro Manila, baka hindi i-honor ng Sandiganbayan ang pagpi-yansa ni Honasan.
Nag-ugat ang kaso noong 2012 nang hindi umano dumaan sa tamang procurement process ang pagpili ng senador sa Focus Deve-lopment Goals Foundation Inc. bilang partner non-government organization sa pagpapalabas ng P29 milyon mula sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) para sa livelihood project ng Muslim community sa Metro Manila at Zambales.
Dahil dito, nakakita ang 2nd Division ng Sandiganbayan ng probable cause para isulong ang dalawang bilang ng kasong graft laban sa senador.
“I am completely innocent of the charges against me. All my life I have fought everything I am accused of, and I will continue to do so,” ayon sa kanyang tweet nitong Huwebes.