NAITALA na sa Filipinas ang unang bird flu outbreak, kaya susugpuin ang may kalahating milyong manok upang ma-kontrol ang paglaganap ng virus, ayon kay Agriculture Secretary Emmanuel Piñol nitong Biyernes.
May 38,000 manok na ang namatay dahil sa Avian Influenza Type A Subtype H5 sa San Luis, Pampanga, ayon kay Piñol sa Mango Stakeholders Forum.
Upang hindi na kumalat ang nakamamatay na virus, kailangan patayin ang 500,000 manok.
Iniutos na ng Department of Agriculture na itigil ang pagpapadala o pag-deliver ng poultry o mga ibon mula Luzon patungo sa iba pang bahagi ng bansa upang hindi na lumaganap ang virus.
Ang Avian influenza o bird flu ay isang impeksiyon mula sa virus na kumakalat sa mga ibon, ngunit nakaaapekto rin sa mga tao.
Nakapagdudulot ito ng pamamaga ng mata, malalang pneumonia, at maaari rin ikamatay.
Gayonman, ang paki-kisalamuha sa mga taong may sakit nito ay hindi nakahahawa.
Inilinaw ng World Health Organization, walang ebidensiyang nakukuha ang bird flu sa pamamagitan ng pagkain ng itlog o manok na iniluto nang maayos.