Ayon sa Phivolcs, naitala sa magnitude 6.3 ang lindol na ang sentro ay nasa 16 kilometro sa kanluran ng Nasugbu, Batangas dakong 1:28 pm.
Inaasahan ang ilan pang aftershocks makaraan ang pagyanig.
Bunsod nito, lumabas ang mga tao mula sa mga gusali, katulad ng mga empleyado ng Palasyo mula sa New Executive Building, at Department of Agrarian Reform sa Quezon City.
Naramdaman ang lindol sa sumusunod na mga erya: Intensity IV – Calapan, Mindoro; Subic, Zambales; Rosario, Cavite; Manila City; Sablayan, Occidental Mindoro; Intensity III – Pateros City; Quezon City; Makati City; Malolos, Bulacan; Cainta, Rizal; Calamba, Laguna; Intensity II – Magalang, Pampanga; Tanauan City, Batangas; Intensity I – Talisay, Batangas.
Habang naramdaman ang instrumental intensities sa: Intensity III – Calumpit, San Ildefonso, Bulacan; Tagaytay City; Intensity II – Lucban, Quezon
Sinabi ni Phivolcs Director Renato Solidum, ang lindol ay “not that strong” at hindi inaasahang magdudulot ng paggalaw ng ibang “faults.”
Sa isang naunang report mula sa Reuters, magnitude 6.6 ang lindol na naranasan ngayong hapon.
8 PAARALAN
NAGSUSPENDI
NG KLASE
NAGSUSPENDI ng klase at trabaho ang ilang paaralan dahil sa naranasang pagyanig nitong Biyernes ng hapon.
Kabilang sa mga paaralang nag-anunsiyo ng suspensiyon ng klase at trabaho ang De La Salle University sa Taft Ave., Manila; Far Eastern University Makati; Far Eastern University Manila; at Lyceum of the Philippines University- Batangas Campus.
Habang sinuspendi rin ang klase ngunit tuloy ang trabaho sa Manila Tytana Colleges; Pamantasan ng Lungsod ng Maynila; Philippine Women’s University Manila; at University of Baguio.
Niyanig ng magnitude 6.3 lindol ang Batangas dakong 1:28 pm kahapon, na bumulabog din sa ilang bahagi ng Metro Manila.