INIUTOS ng Sandiganbayan ang pag-aresto kay Senator Gringo Honasan bunsod ng sinasabing irregular procurement ng livelihood projects, P30 milyon ang halaga na inilabas mula sa kanyang Priority Development Assistance Fund (PDAF).
“The Court finds that there is sufficient probable cause to hold the accused in this case for trial and issue a warrant of arrest for them,” ayon sa Sandiganbayan sa “minutes of the proceedings” noong 7 Agosto 2017.
Si Honasan ay nahaharap sa dalawang puntos ng paglabag sa Section 3(e) ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act, bunsod nang sinasabing pagpapalabas ng kanyang PDAF para sa National Council of Muslim Filipinos (NCMF) para pondohan ang livelihood projects para sa Muslim communities sa National Capital Region at Zambales.
Ang apat pang respondents sa kaso na sina Aurora Aragon-Mabang, Olga Galido, Mehol Sadain, at Fedelina Aldanese, ay naghain na ng piyansa.
Si Honasan, sa kabilang dako, ay hindi pa nakapaghahain ng P60,000 bail bond gayondin sina Michael Benjamin, Galay Makalinggan, Salvador Gaerlan, at Giovanni Gaerlan.
Sina Associate Justices Oscar Herrera Jr., Michael Frederick Musngi, at Lorifel Pahimna ang naghanda ng arrest warrant.
Sinampahan ng Ombudsman ng graft charges si Honasan at kapwa niya mga akusado noong 1 Agosto. Ito ay ini-raffle sa Second Division noong 4 Agosto.
HATAW News Team