SIMULA sa 8 Agosto, maaari na muling magsagawa ng mga off-campus field trip ang mga pampubliko at pribadong kolehiyo at unibersidad para sa kanilang mga estudyante.
Ito’y makaraan alisin ng Commission on Higher Education (CHEd) ang ban sa pagsasagawa ng mga aktibidad sa labas ng campus, kasama na rito ang mga field trip.
Kasunod din ito ng paglalabas nang mas pinaigting na mga polisiya at tuntunin sa pagsasagawa ng mga nasabing aktibidad.
Noong Pebrero 2017 nang pansamantalang suspendehin ng CHEd ang mga field trip makaraan maaksidente ang isang bus ng mga estudyanteng papunta sa camping sa Tanay, Rizal, na ikinamatay ng 15 katao.
Nilagdaan ni CHEd Chairperson Patricia Licuanan ang Memorandum Order No. 63 noong 25 Hulyo, nagtatakda ng mga bagong panuntunan sa mga off-campus activity.
Kasabay ng pagtanggal ng ban, sinabi ng CHEd, dapat sumailalim sa pagsusuri ng mga eskuwelahan ang kondisyon at ‘loading capacity’ ng gagamiting sasakyan.
Kailangang may insurance din ang mga kasama sa aktibidad at bawal parusahan ang mga estudyanteng hindi makasasama sa field trip.
Kailangan ding magbigay ang mga estudyante ng written consent mula sa kanilang mga magulang, at dapat din ay magbigay sila ng medical clearance sa eskuwelahan.
Alternatibong mga aktibidad ang dapat na ipagawa sa mga estudyanteng hindi makasasama sa field trip.
Ang mga kolehiyo at unibersidad na lalabag sa mga polisiyang ito ay maaaring isuspinde mula sa pagsasagawa ng mga field trip at iba pang off-campus activities.
Kapag paulit-ulit ang paglabag, maaaring tanggalan ng “permit to operate” o i-downgrade ang status ng kolehiyo o unibersidad. Maaari rin silang kasuhan ng CHEd.